|
|
| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
‘Bertdey’
ni Gershom Chua ng 8- Aristotle
Nanlalamig ang bata. Tumutulo unti-unti ang mga luha habang kinakain ang Menudong hapunan nito. Hawak ang kutsara sa kanan at tinidor sa kaliwa, grinupo niya ang kanin at kakaunting ulam at sinubuuan ang nagugutom niyang mga labi. May katigasan ang kanin at ulam na nalunok niya kaya naghanap kaagad ito ng tubig na maiinom. Tumayo ito. Pumunta sa kanilang Frigidaire ang bata, binuksan ito at naghanap ng boteng malamig na maaaring pantulak sa pagkaing kakalunok lamang. Naghanap ito. Nagtanggal ng mga bagong boteng kalalagay pa lamang ng kanyang ate, tumingin, wala pa rin, at nagtanggal muli. Nakalapag na sa sahig ang lahat ng mga boteng naglalaman ng tubig ngunit wala pa rin siyang nakikitang boteng malamig. Nanunuyot na ang labi at lumunok na lamang ng matigas, inisip niya sa sarili, ‘Baka nakalimutan na naman ni Ate maglagay ng malamig na tubig…’
Natapos din niya ang mapakla na hapunan. Nanigas ang kamay nito nang makitang papalapit ang ina na may hawak na naming Bunal, ang nakagigimbal na pamalo ng inang. Ang Bunal, ang hawak na kapangyarihan ng inang. Wala sa Ate niya o kay Inio ang nagtangkang labanan ang hawak na kapangyarihan ng ina. Ang makapangyarihang Bunal ay nakasasakit ng anumang parte ng katawang naisin nitong parusahan, paa, tuhod, kamay, braso, puwet, tiyan, at kahit saan pang lugar sa katawan ng magiging biktima nito. Ngayong araw, nababakas sa mga galaw ng Inang na masaya ito. May pa himig himig pang sinasamahan ng kanta ang lakad ni Inang. ‘Mukhang dadating uli si Tatay mamayang gabi ah’, naisip kagad ni Inio. Ganyan talaga ang ina nila kapag uuwi ang ama sa bahay. Paminsan-minsan lang ‘to nangyayari sa ‘sang buwan kaya talaga naming naghahanda ang ina. Alam niyang walang palu-palo ngayon dahil maabala ang Inang sa paghahanda, paglilinis ng kuwarto, pagwawalis sa sala, pagluluto ng pagsasaluhan nila mamaya, paliligo, pagpapabango at pagpapaganda.
Naaalala pa ni Inio nang huling umuwi sa Itang, may dala ito noong isang plastik na puno ng mansanas, mga Fuji apples daw ito na mas masarap kesa ordinaryong mansanas na ibinibenta ni Aling Using ‘dun sa may tapat bago mag-Goldilock’s. May dala rin ‘yung mga laruan galling sa Divisoria, ‘yung mga laruang kinikilo pa ba, sa naaalala niya mga trenta pa ‘sang kilo ng laruang ‘yun eh. ‘Yun yung mga de plastik galing sa Molde na mabibili ‘dun pa sa may Quiapo. Naaalala pa nga n’ya, may dala pa ‘tong mga bagong lapis at Notebook na siya namang itinatago niya. Minsang itinanong na siya ng ama, “’Nak, ba’t ‘di mo ginagamit ‘yung mga pencil at notebook na dinadala ko sa’yo?” Natawa lang dito si Inio, “E ‘Tay, tinatago ko na lang ang mga ‘to kasi ang gaganda e, meron namang mga gamit na ibinibigay sa ‘min si ‘Nay, okay na ang mga ‘yun.” Natawa ang ama. Hinagkan niya ito nang mahigpit at nimasdan nang maayos habang bumalik ito sa paglalaro sa mga bagong dala niyang mga plastic na Dragon Ball Z na nanggaling pa sa Quiapo.
Kumakantang pumasok ang Inang sa kubeta at ‘dun na naligo, nag-shampoo, nag-facial scrub at ginawa ang kung anu-ano pang etse buretsesa loob sa panahon ng isang oras. Natapos niya ang kanyang Math homework nang marinig niyang nagpalit na ng kanta ang Inang sa palikuran, mula sa Uptown Girl naging Ocean Deep, ‘tsaka naman dumating ang Ate.
“Ate, ba’t ngayon ka lang?”, sabi nito at hinagkan ng konti ang bagong dating.
“O, Inio, kumain ka na ba?”, bakas ang pag-aalala sa tono ng Ate.
“’Po ‘Te, kayo?”, sagot nito ng may damdaming agam agam.
“Di pa nga e…”
“O, kumain ka na muna ‘dun sa kusina, ‘Te, may natira pa dung Menudo…”, madaling sabi ni Inio. Malalaman sa kanyang tono na may parang bagong ‘di niya nalalaman.
“O, teka, ba’t parang kumakanta yata ang Inang sa kubeta?”, itinanong ng Ate kay Inio nang may halong gulat at pagtataka.
“Darating ‘ata si ‘Tang, e…”
“O? Kung gayun pala e ‘di, dali na’t magbihis ka na…”, madali nitong utos.
“Ba’t?”
“Kasi nga dadating si ‘Tang ‘di ba, ‘kaw na nga sarili nagsabi nun e…”
“Sabi ko, baka, ‘di sigurado…”, pagpapaliwanag ni Inio.
“Ba’t ‘di mo na lang tinanung si ‘Nang?”, may halong birong tanong ng Ate.
“’Kaw kaya, kaya mo ba?”, sagot niya. At dito, nagsimula silang magtawanang magkapatid. Ang tawanang iyon ang isa sa mga eksenang ‘di malilimutan ni Inio. Ang mga pangyayaring masaya sa buhay ni Inio, konti at minsan man, ay pinahahalagahan ni Inio. Iniisip niya ito kapag nalulungkot siya, ‘Ba’t naman ako nalulungkot, e, masaya rin naman ako minsan’
“O sige na Inio, maiwan na kita d’yan, dalian mo lang at magbihis ka na, baka nga dumating na si ‘Tang…”, ang sabi ng Ate nang may buong pag-asa.
Naka-alis na ang Ate ng ilang layo nang sundan ng mahinang tinig ng bulong ni Inio sa sarili, “Sana nga…”
Nang tumunog na ang malaking orasan sa itaas ng tokador nina Inio na alas-siyete trenta na, nakabihis na ng maayos at malinis na damit si Inio. Nakapagligo na rin ito, dun nga lang sa paliguan nina Mang Kaloy, mauubos kasi ang oras kung hinintay pa ni Inio matapos ang Inang sa kubeta. Isipin mo ba naman, ‘di lang yata isang oras yung nagamit ni ‘Nang, mga magdadalawang oras din. Mantakin mo, sa kubeta, kumanta pa, naligho, syempre, e sinamahaan pa ng pagpapaarte, paghihilod sa katawan, paghugas ng katas ng Niyog sa buhok, at kung anu-ano pang ka-ek-ekan, babae nga talaga si Inang.
Naupo na sina Inang, Ate at Inio sa salyas at sabay-sabay nanunuod ng telebisyon sa programang ‘Maala-ala Mo Kaya’, nagsalu-salo sa isang malaking mangko ng Popcorn, yung klase bang pinaiinitan pa sa mantika at tinatakpan ang kawali para ‘di magsitalsikan. ‘Ala silang pampalasang powder nun kaya nagtiis sila sa asin. Nasa kalagitnaan na ng drama si Ate Vi nang bigla na lamang mag-commercial break ang programa kaya tumayo na si Inio para kumuha pa ng Popcorn sa kawali. Napansin niyang Mag-aalas-otso trenta na at paubos na rin ang Popcorn, ‘di pa rin dumadating ang ‘Tang, ‘Anu kayang nangyari ‘dun?’, ang nasa isip niya.
Pagkarating niya sa kusina, kumuha na siya ng Popcorn at nilalagyan na ito ng asin nang biglang may nag-“Tining-tining”. May nag- door bell…
-Wakas ng Unang Kabanata-
‘