| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Buod: Si Lexi, typical nerd. Si CJ, a not-so-typical jock. Isang aksidenteng pagkakapatda ng balat sa balat ang maglalapit sa kanilang dalawa... Ngunit may pag-asa nga kayang magkaibigan ang mga ito kung si Lexi ay may iba ng lalakeng itinatangi at si CJ naman ay may iba ng babaeng minamahal mula sa kanyang nakaraan?
May-akda: Hana Rui
Nota?: Minsan po sa aking buhay ako ay naadik ng husto sa anime na Slam Dunk kaya eto ang kinalabasan. Ang kauna-unahang tagalog na nobelang nakumpleto ko. Syempre, hindi naman ako tanga para isalin lang sa Tagalog ang Slam Dunk at i-post dito. Binase ko lamang po ang ibang mga bagay sa nobelang ito sa nabanggit na anime.
Hehe... actually matagal na itong kwentong eto. Wala lang, gusto ko lang mamahagi ng (kalokohan) mga akdain ko. :)
UNANG KABANATA
Wala nang isang minuto ang natitira sa laban. Ang lahat ay hindi na halos mapakali sa kanilang kinauupuan. Samahan pa ng walang katapusang imbulog ng mga hiyawang kundi pansuporta sa isang kupunan ay pangungutya naman sa kabila.
Tatlumpung segundo. Patuloy ang umaatikabong bakbakan sa court. Ang buong lugar ay halos gumuho na nga sa lalo pang lumakas na sigawan at tilian ng mga manonood nang muli na namang magpakita ng kanyang di matatawarang gilas ang star player ng nalalamangang kupunan.
"GO CJ!!!!!" ang makatulig tengang tili ng isang grupo ng mga kababaihan sa sandaling mahawakan ng player no. 7 ang bola at parang balang bumulusok ito patungo sa goal. Halos mapatanga ang mga kalabang lubos na namangha sa bilis ng ginawang pag-iwas ng pamosong player sa kanila.
Walong segundo. Naipit sa kaliwang wing ng half-court ang ace player na hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin kababakasan ng pagkabalisa sa mukha kahit pa nga lamang ng dalawang puntos ang kalaban. Ang kanyang isip ay kalmado, alerto ang mga mata at matibay pa rin ang paniniwalang maipapanalo niya ang labang ito.
Siya lang ang tanging pag-asa ng kanilang kupunan. Wala ng iba.
"Hoy, Yabang! Ipasa mo rito ang bola!" bigla ay pumailanglang ang isang pamilyar na palahaw. Galing sa taong iyon na lagi na lang humahamon sa kanyang kakayahan. Ang taong wala na yatang ibang alam gawin kundi ang makipagkompetensya sa kanya. Sa kung anumang dahilan ay hindi niya lubos na maintindihan at wala nang balak pag-isipan pa.
"Dito! Dito!" patuloy ang pagtawag nito sa kanyang pansin, sabayan pa ng eksaheradong pagwagwag ng mga braso sa ere na animo nalulunod na palaka sa inodoro. "Huwag mo nang ipilit! Dito sabi eh!"
Limang segundo. Sobrang higpit ang pagbabantay sa kanya, pero hindi ito nangangahulugang ipapasa na niya sa unggoy na iyon ang bola. Hindi pa siya ganoon kadesperado.
Isa pa, sa antas ng kakayahan ng maingay na iyon, mahirap nang magtiwala rito. Lalo pa't iilang segundo na lamang ang natitira sa laban.
Tatlong segundo. Mukhang hindi na talaga siya papapasukin pa ng kalaban. Wala na rin siyang pagkakataon at sapat na espasyo para makapagpasa ng bola.
Isa na lang ang natitira niyang baraha, and with confidence, he decided to play it...
Sinisigawan pa rin siya ng iskandalosong unggoy na iyon. Natutulig na ang kanyang mga tenga sa tilian ng mga babaeng kulang na lang ay magpatihulog na sa bleachers.
Ngunit ang lahat ng ito ay hindi na niya alintana sa sandaling lisanin ng kanyang mga paa ang sahig at walang pag-aalinlangang ibinato ang bola. Ang paglipad nito sa ere ay sinabayan ng pag-alingawngaw ng buzzer na agad namang nasundan ng pinakamatinding hiyawan sa hapong iyon nang pumasok ang tira ni CJ Montalban mula sa three-point area.
HINDI makatarungan ang mundo para kay Lexi. Heto siya't nakatungangang parang nahipnotismo sa harap ng telebisyong nagpoprotesta na sa sobrang tagal ng pagkakagamit sa araw na iyon. Mas mukha pa nga itong nadehado kaysa sa dalagang nakatulog na yatang dilat ang mga mata sa inuupuang sofa. Ni hindi alintanang kalahating oras na mula nang mag-sign-off ang pinanonoorang estasyon at ngayon nga'y nakakaduling na static na lamang ang pumupuno sa screen.
Kulang na nga lang e labasan na ng maligno ang nag-aalburotong telebisyon para naman kahit papano'y matapunan ng atensyon!
But, undoubtedly, even that won't be enough to sway Lexi out of her trance. Kahit pa nga siguro mabagsakan siya ng ipot ng butiki sa mukha ay hindi pa rin siya matitinag.
Nasaan na ba kasi ang asungot na iyon at ginabi na naman ng uwi? Ni hindi man lamang naisip na may isang kawawang martir na nagtitiyagang hintayin siya gabi-gabi para lang pagbuksan ng pinto! inis na paglilitanya ng kanyang isip. Kung bakit ba naman kasi palagi na lang naiiwanan ang susi sa bahay! Kay laking damulag, kapirasong tinggang wala pang kalahating pulgada ang timbang e hindi man lang maalalang bitbitin!
Itinaas ni Lexi ang nasabing susi at mataman itong tinitigan. Natutulog na sana siya ng mahimbing ngayon kung hindi nga lang dahil sa malasakit niya sa nakatatandang kapatid. Sukat ba namang iwan ang susi sa kitchen table! E di natural makikita nga niya iyon! At dahil nga nakita niya ito e obligado siya ngayong hintayin ang pasaway na iyon kahit na labag sa kalooban niya.
Ano pa nga ba naman kasi ang bago?
Napabuntong-hininga na lamang ang dalaga at nayayamot na ibinato ang susi sa armchair sa kanyang kanan. Sukat namang sumakto ang trajectory nito sa bolang tahimik na namamahinga sa upuan bago ito malakas na kumalansing sa sahig.
Ngunit hindi ang nakakatulig at magkasunod na tok-ching na ingay niyon ang tuluyang pumukaw sa nag-aagiw nang kadiwaan ni Lexi. Na-stuck ang kanyang mga mata sa kulay kahel na bola sa armchair habang isang maliit na ngiti ang unti-unting sumilay sa kanyang mga labi.
Her memory was immediately assaulted by the awesome sights of the game that afternoon. At syempre pa, parang batas na ng kalikasan na sa tuwing makakaalala siya ng isang game ay naaalala rin niya ang taong iyon.
Ang taong iyon na animo isang anghel na ibinagsak ng langit sa lupa...
Na buti na lamang at hindi nagtuluy-tuloy sa madilim na kailaliman nito kung saan--ayon sa maraming tao--nababagay ang katulad niya.
Ngunit kahit na nga kinokondena ng maraming walang magawa ang taong iyon, abot-abot pa rin ang paghanga niya rito.
Kulang na nga lang ay ipa-ambush na niya ang Kuya niyang kapitan ng basketball team dahil sa pagmamaltrato nito sa espesyal na taong iyon. Aba'y kung hindi binubulyawan ay kinukutusan ng gorilyang iyon ang kanyang pinakamamahal!
Sumusulak ang puso't balun-balunan niya sa tuwing nasasaksihan iyon. Ngunit sa kabila ng lahat ay heto pa rin siya't parang timang na naghihintay sa pagdating ng kanyang kuya.
Ika nga, blood is thicker than water.
Kaya siguro ngayon nga'y sobrang nanlalapot na ang kanyang dugo sa kahihintay.
Sobra-sobra naman yatang selebrasyon ang ginagawa ng basketball team. Sabihin pang unang beses nilang nakapasok sa eliminations ng basketball league sa kanilang distrito'y hindi sila dapat nagsasaya nang hanggang dis-oras ng gabi.
Kung tutuusin nga'y umaga na, pero wala pa rin ni anino ng magaling niyang kuya.
Kailan pa ba naman kasi naging makatarungan ang mundo para sa mga tulad niya?
At kailan pa matatauhan ang walang kwenta niyang kuya?
Sa gitna nga ng magkahalong yamot at pag-aalalang nararamdaman ay unti-unting napapikit ang namumungay nang mga mata ng dalaga.
Wala pa siyang kalahating oras naiidlip nang maalimpungatan sa malakas na pagtimbre ng doorbell.
Napabalikwas siya't tuluyan nang nagising ang kamalayan nang dumulas ang kanyang tumbong sa gilid ng upuan at nalugmok siyang nakangiwi't maluha-luha sa sahig.
Muling tumunog ang doorbell.
Si Kuya na 'yan, sigurado... well, dapat lang! Pinilit niyang tumayo sa kabila ng sakit na nararamdaman at iika-ikang lumapit sa pinto.
Hindi nga siya nagkamali. Pagbukas ng pinto'y bumungad sa kanya ang malahiganteng bulto ng kuya, tirik ang mga mata't umuungol sa sakit.
Nanlamig ang buong katawan ni Lexi nang makita ang malaking itak na tagus-tagusang nakaturok sa gilid ng ulo ng kapatid. Tigmak ng sariwang dugo ang mukha't buong katawan nito at awang ang bibig na pilit pinagagalaw upang unti-unting mabuo ang mga katagang, "Tu-lu-ngan mo a--ko!"
Isang nakakatulig na tili ang agad na kumawala sa namumutlang mga labi ng dalaga habang tuluyan nang nalugmok sa sahig ang walang malay niyang kuya.