| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
HULING KABANATA
Isang linggo pa ang lumipas at dumating na rin ang araw na pinakahihintay ng marami--ang natatanging pagtatanghal ng dulang pinagbibidahan ng mga basketball players ng DBSC.
Maraming taga-ibang eskwelahan ang dumayo pa para makapanood. Syempre pa, manghang-mangha sila sa lahat ng aspeto ng palabas. Mula sa magagaling na tagaganap hanggang sa makukulay na set design at costumes na angkop na angkop sa medieval setting ng istorya... Ang di matatawarang script, sound effects at makabagbag damdaming katapusan kung saan namatay ang bidang babae sa pagtatanggol sa minamahal mula sa marahas na espada ng amang matigas na tinutulan ang kanilang pag-iibigan.
Halos bumaha nga ng luha sa loob ng auditorium nang isa-isang sinasambit ng mga pangunahing tauhan ang kani-kanilang dayalogo:
Ang mga huling salitang sinambit ng prinsesang ginanapan ni Lexi--ang paghingi nito ng tawad sa pagsuway sa ama at ang pagpapahayag ng walang hanggang pag-ibig sa sinisinta bago ito mamatay.
Ang pagsisisi ng haring ginanapan ni Brandon na s'yang aksidenteng nakapatay sa sariling anak.
At ang poot at hinagpis ng hamak na mandirigmang ginanapan ni CJ na ang tanging pagkakamali ay ang umibig ng lubusan sa isang dugong bughaw.
Mahusay ang pagkakagawa ng dulang iyon. Sa sandaling magsara nga ang kurtina'y standing ovation ang iginawad sa kanila ng mga nasiyahang manonood. Maging ang board ng kolehiyo ay nagpasyang maglaan muli ng pondo para sa muling pagbubukas ng Drama Club na labis namang ikinatuwa ni Ayzee. Muntik na nga niyang mahalikan isa-isa ang mga board members na may kung ilang beses na rin niyang na-salvage sa isipan.
Kasalukuyang nagdiriwang ang lahat ay para namang sinasadya ng pagkakataong pagtagpuin sa backstage si Lexi at ang lalakeng dati niyang kinabaliwan. Habang sa di kalayuan naman ay nakakubli si CJ na balak din sanang batiin ang kapareha kung hindi nga lang siya naunahan ng unggoy na iyon at ng maraming iba pa.
"Ang... Ang ganda mo ngayon," narinig niyang sabi ni Sean sabay abot ng isa na namang puting rosas sa kanyang prinsesa. Panglima na ito sa loob lamang ng tatlong minuto. Aba'y baka bago pa makarating sa kanya ang dalaga'y matabunan na ito ng bulaklak sa dami pa ng gustong magpapansin!
"S... Salamat." Kitang-kita niya kung paanong mamula ang mukha ni Lexi. Halos madurog na nga ang puso niya sa namamasid. Totoong maganda ngayon ang ayos ng dalaga, kumpara sa ordinaryong itsura nitong mukhang nerd na mas matanda pa sa pre-historic earth. Nakalugay ang bahagyang kinulot na buhok nito't pinalitan ng contact lenses ang makakapal na salamin. Hakab na hakab din sa katawan nito ang kulay lilang gown na nakapagpalitaw sa kanyang kaputian. Maganda rin pala ang hubog ng katawan nitong madalas na itinatago sa ilalim ng maluluwang at walang kakorte-korteng mga damit.
Marami ang nakakapansin ngayon kay Lexi kasi nakaayos ito. Samantalang siya na nabighani na nito kahit noong mukha pa itong mas matanda sa kanyang lola ay hindi man lang makalapit dito.
Bakit kasi mas binibigyang pansin pa ni Lexi ang mga taong iyon kaysa sa kanya?
Napabuntong-hininga na lamang si CJ at nagsimula nang maglakad palayo sa lugar na iyon. Wala naman siya talagang dahilan para magselos di ba? Anong karapatan niya e hindi naman niya nobya ang babaeng iyon! Nagsisikip ang dibdib niya sa tuwing naiisip ang bagay na ito. Kailangan niyang makalabas para makalanghap ng sariwang hangin--
"Siege!"
Tumigil siya sa paglalakad at pinakiramdaman ang paglapit ng babaeng iyon. Maya-maya nga'y nasa tabi na niya ito, hawak ang isang bungkos ng mga rosas galing sa mga bago nitong tagahanga.
Pakiramdam tuloy ni CJ ay tuluyan na siyang malalagutan ng hininga.
"Samahan mo naman ako."
Gusto mang tanungin ni CJ kung saan nais pumunta ng kanyang prinsesa'y hindi na niya nagawa dahil sa kinikimkim na sama ng loob. Kaya walang kibong sinundan na lang niya ito nang hindi alintana kung gaano ba sila katagal naglakad o kung anong daan ang kanilang tinahak. Natauhan na lamang siya at bahagya pang napamaang nang matagpuan ang sarili sa lugar kung saan niya unang nakita ang babaeng iyon.
Nakita niyang ibinagsak ni Lexi ang mga bulaklak sa lupa, dinukot mula sa dibdib ang isang asul na panyo at marahan itong itinali sa kanyang kanang kamay.
Sa parehong paraan ng pagkakatali nito sampung taon na ang nakakaraan...
Ilang sandaling tinitigan lang ni CJ ang kamay, walang malamang sabihin. Wala ring kibo si Lexi at nang sundan niya ang line of vision nito ay napansing nakatitig ito sa punong iyon. Di man niya alam kung anong klaseng puno ito'y sigurado naman siyang iyon ang minarkahan niya ng dugo mula sa nagngangalit na kamao noong gabi ng Halloween.
Mula kasi nang magbalik sila ng kanyang mga ate sa lugar na ito'y gabi-gabi siyang nagpupunta rito. Tinitingnan ang puno habang inaalala ang gabing iyon--
Teka, ang ibig sabihin ba nito'y...
"Siguro, Fate willed us to have that kiss," sabi ng dalagang nakatanaw pa sa mga bituin. Galing na naman ba sa script ni Ayzee Pineda ang dayalogong ito? "Para magkalapit tayong muli at maalala ko ang isang napakaespesyal na bagay na muntik ko nang makalimutan..."
"A...Ano 'yon?" mahinang tanong ni CJ kahit nararamdaman na niya ang itutugon ng dalaga.
"Ang pangako ko sa'yo." Kasing tamis ng pulot ang ngiting iginawad sa kanya ng dalaga.
Para namang nakapuntos ng tatlong sunud-sunod na three-points ang pakiramdam ni CJ. Na... Naaalala nga niya! Halos maglulundag sa sobrang kagalakan ang puso ng binata kahit hindi ito nasasalamin sa panlabas na kaanyuan.
"I meant what I said... Siege, gusto kong mabuhay para sa'yo..."
"A... Ako rin..." tungo ang ulong bulong ng binata sa boses na malamang siya at ang konsensya lang niya ang nakarinig.
"Ano? May sinasabi ka ba?" kunot ang noong untag naman ng dalaga. Lumabi pa ito't humalukipkip sabay dagdag ng, "Ayaw mo rin ba sa'kin?"
"G-Gusto!" mabilis na tugon ni CJ na nakakabigla ang paglakas ng boses. Kasing agap ng naging sagot niya ang bilis ng pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Hindi na niya alam ang ginagawa. He was merely letting his newly thawed heart dictate his words... His actions...
Bahagya namang natawa si Lexi sa biglang pagtatapat ng binata. Dapat palang siya muna ang magparunggit dito bago ito matatauhan.
"So, effective ngang mga plano nina Kuya Brandon." Anyong nagtatanong na napakunot ang noo ng binata. "Ginawa lang namang lahat 'yon ni Kuya Brandon para magselos ka," maagap na tugon ni Lexi. "Para bunuin kang magtapat ng... alam mo na."
"Eh... si Sean... ang--ang knight in shining armor mo?" hindi na napigil pa ni CJ na magtanong.
Napakunot ang noo niya nang lalo namang lumakas ang tawa ni Lexi. "Ano ka ba? Gusto mo bang masabunutan ako ni Ate Carol? Saka... ang hina mo talaga para hindi ma-gets na ikaw ang tinutukoy ko!" Biglang sumeryoso ang mukha ng dalaga. "So... Tayo na ba?" dagdag na tanong pa nito na kahit nag-aalangan man ay kinapalan na rin ang mukha. Kaysa nga naman mailibing siya ng mga Deboto ng binata nang di man lamang nila naipadarama ang pagpapahalaga sa isa't isa!
"Huh?"
Patay! Na-turn off yata?, nababahalang naisaisip ng dalaga. O baka naman talagang mahina lang pumick-up ang isang ito? "Ang sabi ko kung tayo na ba?"
Ilang sandali pang tinitigan si Lexi ng binata. Wala kasi itong malamang maisagot sa tanong na 'yon. Kung magsasalita siya'y malamang na walang tunog na lumabas sa naiipit niyang lalamunan. Kung tatango lang siya baka naman akalain ni Lexi na napipilitan lang siya.
Bahagyang nangislap ang mga mata ni CJ nang sumagi sa isipan ang isang paraang walang kaduda-dudang masasagot ng tama't totoong-totoo ang tanong na 'yon ng dalaga.
Hinawakan niya ito sa kamay bago dahan-dahang yumuko para kintalan ng isang masuyong halik ang mga labi nito.
Halos maduling naman sa naramdamang kaligayahan si Lexi. Wari'y hindi pa kontento'y muli siyang hinalikan ng binata. Sa pagkakataong ito'y nagtagal ng may kung ilang segundo ang pagkakahinang ng kanilang mga labi.
Everything felt perfect then, until Lexi suddenly pushed CJ off and smiled mischievously. "So, baka naman ngayon e pwede mo na akong pagbigyang ma-interview ka?"
"Miss Alexine Pineda," seryosong tugon ni CJ na idinikit pa ang noo sa noo ng nobya bago sinabi sa pabulong na boses, "My life is for you to own... and for them to brood over."
At muling naghugpong ang dalawang labing idenestino ng tadhana para sa isa't isa. Marahan man ang pagpapalitan nila ng tamis, punung-puno naman iyon ng nag-uumapaw na pagmamahal nila sa isa't isa.
Pagmamahal na itinanim ng isang pangako at pinagyabong naman ng panahon.
wakas