|
|
| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Ito ang una at tanging dulang naisulat ko sa kolehiyo. Hehe…Medyo antigo na rin ito, pero napapanahon pa rin naman para sa selebrasyon ng buwan ng wika. Ah, di ko alam kung anong pumasok sa akin at ganito ang ginawa ko, di tuloy naintindihan ng mga kagrupo ko xp
FILIPINO PARA SA KATARUNGAN, KATARUNGAN PARA SA FILIPINO
Isang Tulang Pandulaan
May-akda: Hana Rui
Paksa: Wikang Filipino: Mabisang Wika Sa Batas At Katarungan
MGA TAUHAN
Pinoy
Yankee
Rizal
Inang Bayan
Pinoy 2
Pinoy 3
Bonifacio
PINOY: Wikang Filipino sa batas at katarungan/ Ano nga ba ang kahalagahan?/ Bakit ba hindi na lang wikang dayuhan/ O ang iba't ibang diyalekto sa buong kapuluan?
Noong tayo'y sakupin ng mga Kastilang gahaman/ Ay binawi din sa 'tin ang sariling kakilanlan/ Parang buhawing ligaw na lumisan ang kalayaan/ Labis na pinagsamantalahan ng dayuhan ang kahinaan ni Inang Bayan…
ANG PAGGALAW AY KASABAY NG PAGBIGKAS NG MGA SAKNONG: (dahan-dahang magsisipasok nang nakayukod ang mga ulo't nakapila ang limang aktor; pagdating sa gitna'y papaikutan si Inang Bayan na mapapaluhod; magmamartsa ang mga aktor na animo'y may pasan pang riple sa balikat; sa pagtatapos ng saknong ay kukubabawan ng mga aktor si Inang Bayan na magpapakawala naman ng isang malakas na pagsigaw)
Ngunit ang lahat ng pasakit ay may lakas na hatid/ Sapagkat hindi naman pabaya ang kataas-taasang langit/ Ang kamangmangan ng mga Pilipino'y labis na napatid/ Kasabay ang malakas na pagsigaw ng…
BONIFACIO: Sugod mga kapatid!
(sa pagsisimula ng saknong ay dahan-dahang tatayo ang mga aktor at tutulungang makatayo si Inang Bayan; ang pagsigaw ni Bonifacio ay sasabayan ng pagtaas ng ibang aktor kay Inang Bayan--papatong sa likod ng dalawang nakayukod na aktor habang inaalalayan ng isa pa sa likod; si Bonifacio at ang dalawang nakayukod na aktor ay pupuwestong animo'y susugod sa mga kalaban)
PINOY: Dahil nga dito'y napag-isip-isip nilang pantas/ Na dapat nang magkaroon ng isang wikang magbabagtas/ Sa mga tao ng ganito at ganireng mga pangkat/ Upang sa gayo'y makamit ang kaisahang tunay at wagas.
(dahan-dahang gagalaw ang mga aktor at maglalakad palayo kay Inang Bayan na maiiwan sa gitna na malungkot na pinagmamasdan ang paglisan ng ibang actor)
At ito nga ay ang wikang kung tawagin ay Filipino/ Tatak ng pagkakaisa't pagka-Pilipino/ Pilit na pinalaganap ng mga pantas para sa'yo/ Upang lubos mong maintindihan ang iyong pagkatao…
(titingin na para bang naguguluhan ang mga aktor sa mga manonood; maghahagis ng confetti si Inang Bayan na sumisimbolo sa pagpapalalaganap ng wika; mapapatingin sa kanya ang mga aktor na pawang naliwanagan na sa wakas ang mga mukha)
Ngunit sa kabila nga nito'y marami ang naging sagabal/ Sa pagbubuklud-buklod na sadyang napakabagal/ Nang dumating ang mga Yankee'y wika nilang nakapapagal/ Ang sa dila nati'y pilit na ginaw'ang natural.
(dahan-dahang muling lalapit ang mga aktor kay Inang Bayan at sa maghahawak na lamang sila ng mga kamay ay s'ya namang pagpasok ni Yankee na paiikutan ang mga magugulumihanang mga aktor; sa pagbigkas ng huling linya ng saknong ay mapapatingin ang Yankee kay Pinoy sabay wika…)
YANKEE: At bakit ipinuputok ng munti mong butsi/ Ang bahaginan ko kayo ng aming wikang sarili?
PINOY: Wikang sarili ba kamo, binibini?/ Kung gayo'y bakit di ikaw mag-isa ang mawili?
(animo mga usiserong panonoorin ng mga aktor ang pagtatalo ng dalawa; may mga pagkakataong sila ay sasang-ayon, maiinsulto, maguguluhan…)
YANKEE: Hindi ko na kasalanan kung wika ko man ay tangkilikin/ Ninyong…mga marurungis…Pilipino kung tawagin!
PINOY 2: Even the kids can feel the beauty of the language deep within
PINOY 3: So, if you're trying to rid it off, you know you will never win.
PINOY: At bakit nga ba hanggang ngayon ay pinipilipit pa rin natin/ Ang ating mga dila sa ganitong klaseng salitain?
INANG BAYAN: Bakit ba ang aking sina Juan at Juana'y nagtataksil sa akin/ Sa pagpupumilit na pasikatan sina Barbe Barbie at Kin Ken.
PINOY: haharap sa isang actor) Ano na ba ang nangyari sa'yo kapatid?/ Pwede bang mag-isip-isip ka muna ng makailang saglit?/ Bakit ba ang iyong kinagisna'y pilit mong winawaglit/ At nagpapakadalubhasa ka sa mga kaisipang tagilid?
BONIFACIO: I object!
RIZAL: Sustained!
PINOY 2: Overruled!
PINOY 3: Not guilty!
PINOY: Ano na ang nangyari sa iyong wikang sarili?
PINOY 3: I'm a judge.
PINOY 2: A lawyer.
RIZAL: The accused.
BONIFACIO: The jury.
PINOY: Sa ganitong katawaga'y h'wag sana tayong mawili!
YANKEE: (tatapik-tapikin ang balikat ni Pinoy na s'ya naman nitong pagalit na hahampasin) Kaibigan, kaibigan maaari bang ika'y kumalma/ Ano bang malaking isyu itong ukol sa wika?/ Ayaw mo bang umunlad, makamit ang iyong adhika/ Sa paggamit ng Ingles, s'yang maunlad na salita?
PINOY: HA! Oo't tunog maunlad nga ang wikang dayuhan/ Ngunit hindi para sa lahat ito ay may kabuluhan/ Sa ating paghahanap ng napariwarang katarungan/ Lagi sana nating isaisip itong lumang kasabihan:
RIZAL: (magtutungo sa gitna at magwiwika na animo may hawak pang aklat)"Ang di magmahal sa sariling wika/ Ay higit pa sa hayop at malansang isda." (sisigaw ng FUEGO! ang lokong Yankee at pagbabarilin si Rizal na magkukunwa namang matatamaan; mapapa-oh at ah ang mga aktor na kunwa'y magtatakip pa ng mga mata)
PINOY: (papagitna sa mga nagkakagulong aktor at ipagpapatuloy ang naudlot na usapan) Sa paniniwalang makatutulong sa pambansang pag-ahon/ Ay ipinagpalit natin ang ating kalabaw sa tostadong hamon/ At ano bang kabutihan ang idinulot noon?/ Kungdi ang sa di-pagkakaunawaan tayo ay ibaon!
(matamang makikinig na muli ang mga actor)
Naaalala mo pa ba ang kwento ng Babilonya?/ Noong unang panahon daw ang mga tao'y iisa ang salita/ Ngunit nang magpumilit tumayog, lampasan ang LUMIKHA/ Nahati tuloy ang dila ng mga ugok sa iba't ibang wika…
At hindi ba nagdulot ito ng walang katapusang kaguluhan/ Na umabot pa nga hanggang ngayon sa ating kapanahunan/ Hindi mo pa ba pansin, aking kaibigan/ Na ang kawalan ng iisang wika'y katumbas ng pariwarang katarungan.
YANKEE: Kaya nga pinalalaganap namin ang iisang wika sa buong mundo!
PINOY: Ano ba't sisingit ka pa, tunay kang walang modo!/ Bakit ba di ka na lamang bumalik sa pakialamerong bansa mo?
YANKEE: Sapagkat gusto ko lamang patirin ang kamangmangan mo!
(aakbayan si Pinoy)
Makinig kang mabuti, kaibigan/ Kung Ingles ang gamit na wika sa batas at katarungan/ Magiging mas pormal at kagalang-galang kayong pakinggan/ Sa buong mundo kayo'y tunay na hahangaan…
PINOY: (aaalis sa pagkakaakbay ni Yankee) At bakit mo naman babasahan ng batas na Ingles ang isang Pilipino?/ Kung di ba't ang s'yang nais mo'y utak n'ya'y magkabalibaliko?/ Sa tingin mo ba'y batid ng lahat ang mga "artikol" na likha nitong mga pinuno/ Na ginagamit ang salitang "alien" upang pagtakpan ang kanilang pagkasanggano?
Sa ating paghahanap ng pambansang katarungan/ Hindi na natin kailangan pa ng kung sinu-sinong Superman
YANKEE: E, ano ba ang itinutumbok ng ating usapan?
PINOY: Nais ko lamang patunayan sa mga mahal kong kababayan/ Na nasa kamay natin, higit kaninuman, ang kapangyarihan.
YANKEE: HA! Kapangyarihan? Kapangyarihan mo'y ano?/ At nagmamatigas kang h'wag makisali sa salitang s'yang uso?
PINOY: P'wede ba, dayuhang ligaw, itikom mo ang iyong nguso/ Hindi ko na gusto ang mga pinagsasasabi mo!
YANKEE: At bakit kung magsalita ka'y parang ang maysala lamang ay ako?/ Ba't di mo obserbahan ang iyong sariling mga katoto?/ Tatak ng karunungan ang wika kong ito/ Naiintindihan ng mga nakatataas at sumisino!
(mag-aastang animo mga elite ang mga actor)
PINOY: Naiintindihan o pilit na iniintindi/ Nilang mga marurunong na sadyang makasarili?/ Ano ba'ng silbi ng batas kung di tarok ng nakararami/ Sapagkat ito'y nasusulat sa mapangkutya mong lenggwahe!
YANKEE: Ang wika ko'y siyang pormal na salita sa inyong senado/ At sa marami pang senado sa buong mundo/ Hindi ba't ito na ang simulain ng pagkakaisang minimithi mo?
PINOY: H'wag mo nang subuking pagtakpan ang pakikialam mo.
Bakit mo ipagtatanggol sa wikang Ingles ang isang Pilipino?/ Para mo na ring sinabing ikinahihiya mo ang bansa mo!/ At bakit ba mas iginagalang silang mga abogado/ Na bihasa sa Ingles kaysa sa mga nananatiling Pilipino?
YANKEE: (aakbayan ang isang actor)Tsk, tsk, tsk…kaibigan, h'wag mo s'yang pakinggan
PINOY: H'wag na h'wag mong kahangaan ang mga isdang puno ng kalansahan
YANKEE: Ako'y hindi malansa, ako'y wika ng kabutihan!
PINOY: Kabutihan bang matatawag ang panggugulo mo sa katarungan?
BONIFACIO: Sa tingin ko'y alam ko na ang problema ng ating bansa
RIZAL: Ito ay ang kawalan ng isang pormal na wika
PINOY 2: Na maiintindihan ng nakararaming madla…
PINOY: Sa wakas, kaibigan! Isip mo'y nalinawan na…
PINOY 3: Ngunit bakit nga ba kasi Filipino ang s'yang piniling palaganapin
PINOY 2: Ng mga mapagmalasakit na pinuno natin?
INANG BAYAN: Una'y dahil ito ay madaling bigkasin/ At para sa nakararami'y di mahirap intindihin…
YANKEE: HA! Kalokohan! Bakit n'yo itinatakwil ang handog kong pag-unlad?/ Pagkakaisa ng buong mundo s'yang tangi kong hangad.
RIZAL: Buong mundo, bago ang isang bansa? Mukhang mali yata ang iyong pamamalakad
BONIFACIO: Para bang nilunok mo muna ang pagkain, bago ka kumagat!
RIZAL: Imbes na mapaganda ang aming buhay,
PINOY 2: Ay pilit mong pinoposasan ang aming mga kamay.
PINOY 3: Binubulag at binibingi mo kami ng iyong mga galamay
INANG BAYAN: Tinatakpa't binabaon mo rin ang aming tunay na husay.
PINOY: Magsimula muna sa maliit, bago sa malaki/ 'Yan, kaibigan, ay batas ng anumang lahi/ At kung sakali mang tayo ay di magkaroon ng isang wika na ang lahat ay mawiwili/ Marahil ay may dahilan ang POON sa paglalagay ng ganitong klaseng haligi…/ Kaya't humayo ka't hayaan mo na kaming mabuhay sa aming lupang sarili!
YANKEE: (aarteng animo nasukol na) Ngunit…ngunit…
BONIFACIO: Maipagtatanggol namin ang aming mga sarili, makaaalis ka na
RIZAL: At sa aming mga batas, sariling wika din ang s'yang pinakamabisa
YANKEE: Napakawalang utang na loob ninyo kung magsiasta!
PINOY: 'Yan, kaibigan, ang simulain ng hangad kong pagkakaisa…
YANKEE: Hmph! Kung gayo'y makaalis na nga! (at aalis na nga)
PINOY 2: (haharap sa mga manonood) Kaibigan, ang galing ay di nasusukat sa pag-iingles mo
PINOY 3: Ito ay sa kung ilang Pilipino ba ang nakaiintindi sa'yo
INANG BAYAN: Filipino'y wika ng nakararami, wika ng nagpapakatotoo
PINOY: Kung inyo na ngang naintindihan, sabay-sabay nating ipagmalaki ang ating pagka-Pilipino. Claro?
LAHAT: Claro!
(at magsisipwesto ang mga aktor ng gaya ng pwesto nila sa ikatlong saknong kasabay ng pagsigaw ng lahat (PINOY 2, PINOY 3, BONIFACIO, at RIZAL); mananatili sila sa ganitong posisyon hanggang sa matapos magsalita si Pinoy)
PAGTATAPOS: At d'yan nga nagwawakas ang napakahabang usapang ito/ Na ukol sa kahalagahan ng wikang Filipino/ Sa batas at katarungan para sa lahi ko/ Sana'y ang lahat ng ito'y naging malinaw na sa inyo…/ Magandang umaga't maraming salamat po!