| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Buod: Mga tipikal na tinedyer lamang sila hanggang sa masangkot ang kanilang mga buhay sa isang misteryosong propesiyang nakatakdang bumago sa ikot ng mundo...
May-akda: Hana Rui
Nota: Ah, di ko alam kung ano bang pumasok sa akin at isinulat ko ito. Sobrang tagal na rin nito, dami ko na ring nabago sa istoryang orihinal kong naisip may kung ilang daang taon na rin ang nakakaraan. Hehe...
PROLOGO
Ang Eklipse
I.
PAGBABAGO. Isang kondisyong hindi maiiwasan ninuman. Sa bawat paglubog at pagsikat ng araw. Sa bawat pagkabuo at pagkawalang muli ng buwan, isang pagbabago ang nagaganap sa buhay ng bawat isa. Maliit man ito o malaki'y lubos nitong naapektuhan ang buhay ng isang tao. Ang kanyang ugali. Ang kanyang mga paniniwala.
Ang kanyang prinsipyo…
"MISS SULLIVAN."
May kung ilang minuto na ring pinagmamasdan ni Louie ang sarili sa vanity mirror na iyon. Salubong ang makakapal na kilay na tinititigan ang mukha ng babaeng namamasid--ang sariling repleksyon. Ang repleksyong hindi niya lubos na nakikilala. Ang repleksyong dumadaya sa kanya.
"Miss Sullivan."
Napuno ng poot at pagkamuhi ang kanyang bilugang mga mata. Ang malalantik na mga pilik na dapat sana'y nakapagpapaganda sa mga ito ay lalo pang nakapagpadagdag ng kabangisan sa tingin na ipinukol niya sa babaeng iyon…
"Miss Sullivan!"
MAMAMATAY TAO! Iyon ang mga katagang binitiwan ng babaeng sumugod at sumampal sa kanya noong isang araw. MAMAMATAY TAO! MAMAMATAY TAO! Paulit-ulit nitong isinisigaw habang patuloy na tumatampal ang mga kamay sa kanyang mukha. Ang sugat sa kanyang labi, gayon din ang mga pasa sa kanyang magkabilang pisngi ay kumikirot pa rin magpasahanggang ngayon. Ngunit balewala ang mga ito kung ikukumpara sa labis na hapding nararamdaman ng kanyang puso. Ang abusong ginagawa nito sa kanyang emosyon. Sapagkat ang babaeng iyon--ang babaeng nagbigay sa kanya ng kalbaryong ito ay ang sarili niyang ina!
"MISS SULLIVAN!" Kahit na mas malakas na ngayon ang pagkatok maging ang pagtawag na nagmumula sa labas ng washroom na kinaroroonan niya ay hindi pa rin ito alintana ni Louie. Sa halip na tumalima ay nagpatilunod pa ng husto ang dalaga sa poot na nararamdaman. Ang poot na tumitigis sa kanyang puso. Sa kanyang mga kalamnan. Sa buo niyang pagkatao. Hanggang sa naramdaman na lamang niyang binabayo na ng nagngangalit niyang kamao ang salamin--ang sariling repleksyon.
II
"…hayaang ang katotohanan ang syang magmulat
Sa mga mata ng tunay na kabayanihan…"
Nakaramdam ng matinding kaba si Sisko nang silipin niya mula sa bintana ng kanyang silid ang araw.
"Nagsisimula na," bulong niya sa sarili habang binabalutan ng matinding panlalamig ang kanyang buong katawan. Ipinikit niya ng mariin ang mga mata at nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga upang kahit papaano ay maibsan ang takot na sumasakop sa kanyang dibdib.
Subalit kahit sa kadilimang dulot ng kanyang pagkakapikit ay nakikita pa rin niya ang paggahis ng dilim sa liwanag. At sa bawat pag-usad ng anino ng buwan sa ibabaw ng araw ay nadodoble naman ang kanyang pagkaligamgam.
Hinila niya ang kurtina upang takpan ang tanawing iyon at naupo sa kanyang kamang sapo sa dalawang kamay ang mukha. Ilang beses na rin niyang pinilit na kumbinsihin ang sariling isa lamang malaking kalokohan ang lahat. Oo't aaminin niyang kahit papano'y interesado rin siya sa maaaring mangyari. Kung totoo nga ba ang nasasaad sa misteryosong alamat… Ngunit mas malaking bahagi niya ang lubos na nababahala…
Ano ang gagawin niya kung sakali ngang magkatotoo ang lahat? Kung sa loob nga lamang ng ilang minuto ay biglang magbago ang pagkatao niya? Malimutan niya ng tuluyan kung sino siya ngayon at maging isang hamak na estranghero na lamang sa kanyang sarili?
Paano kung malimutan niya ang pagkataong kinalakhan na niya kapalit ng katauhang dapat ay siya?
Napasinghap ang balisang binata nang bigla na lamang siyang nakaramdam ng matinding panlalamig. Para bang binuhusan ng natunaw na nyebe ang kanyang mga ugat matapos na maitapon sa nagyeyelong impyerno ang kanyang katawan. Nangatal ng husto ang kanyang mga kalamnan, kasabay ng pamamanhid ng buo niyang pagkatao--ang kanyang pag-iisip, pandama at kaluluwa ay panandaliang nawalan ng koneksyon sa panlupa niyang katawan…
At sa sandaling muli niyang naidilat ang kanyang mga mata'y natagpuan na lamang niya ang sariling nakatayo sa gitna ng isang kakaibang lugar. Isang lugar na may kung ilang beses na rin niyang nakita sa kanyang mga panaginip.
Isang lugar na kaiba sa mundong kanyang kinalakhan… Sa panahong ilang daang taon na rin ang layo sa kanyang ginagalawan.
At habang iginagala niya ang kanyang paningin sa mga nagtatayugang puno sa paligid ay muling binalutan ng kaba ang kanyang dibdib.
Wala na siya sa ligtas na haligi ng kanyang kwarto at hindi na rin niya masasaksihan pa ang penominal na eklipse…
Sapagkat nalalaman niya na sa mga sandaling iyon ay nagsisimula na ang isang malaking pagbabago sa kanyang buhay. At maaaring ang maging kapalit nito ay ang lahat ng kanyang mga alaala… damdamin--
Ang kanyang buong pagkatao…
III
"…sa paggapi ng dilim sa liwanag ng umaga…"
Patuloy na umusad sa himpapawid ang private plane na kinalululanan ni Louie. Tahimik na tinatanaw ng dalaga ang araw mula sa kanyang kinauupuan habang mariing ikinukuyom ang kamaong nababalot na ngayon ng bendang unti-unting napipigta ng masaganang dugong dumadaloy mula sa kanyang sugat.
"Will you stop that?" Halos mapabalikwas si Louie sa pasinghal na inusal ng blondeng binata sa kanyang tabi kasabay ng mahigpit na paggagap nito sa kanyang pulso. “If you wanna kill yourself, fine! Just don’t do it in front of me.”
Bigla ay naramdaman ng dalaga na parang gusto niyang maluha. Nag-uumapaw man ang poot sa kanyang puso’y nadama pa rin niya ang labis na pag-aalala ng taong iyon sa kanya. Ngunit kung sinuman ito at kung anuman ang kinalaman nito sa buhay niya’y agad din namang nawalan ng halaga kay Louie sapagkat nalalaman niyang hindi naman nito masasagot ang mga katanungan sa kanyang isipan.
Pakiramdam niya ay niloloko siya’t pinaglalaruan ng mga tao sa kanyang paligid. Na kahit ang sarili niya ay hindi niya maaaring mapagkatiwalaan…
“What do you care anyway?” tanong ng dalagang ipinilig pa ang ulo upang bigyan ng mapanghamong tingin ang binata. “You can’t even tell me who you are.”
“I’m… your friend,” marahang tugon ng binata na hindi iniaalis ang pagkakatitig sa mga nagngangalit na mata ng dalaga. Napasinghap siya nang bigla na lamang hatakin ni Louie ang kamay mula sa kanyang pagkakahawak at muli nitong ibaling ang tingin sa bintana… Sa araw na unti-unti nang natatakpan ng anino ng buwan.
“Splendid, isn’t it?” ang marahang wika pa nitong animo biglang nalimutan ang poot na kanina lamang ay nakasaklob sa kanyang katauhan.
“Y-Yeah,” tugon ng binatang di malaman kung matutuwa ba o mababahala sa biglang pagbabago ng mood ng dalaga. Alam niyang kahit mahinahon na ang tono’y tigmak pa rin ng muhi ang kalooban nito.
“I wish I could disappear like that…”
Walang malamang maisagot si Drew sa pabulong na tinuran ng babaeng siyang lubos niyang pinahahalagahan. Sadyang binitawan pa nito ang inhaler na para bang gusto na talagang tuluyang isuko ang natitirang hininga.
“Prepare for touchdown…” Nagsasalita na sa PA ang kanyang amang s’yang piloto ng private plane, ngunit hindi na alintana pa ni Drew ang alinman sa mga sinasabi nito sa sandaling kabigin niya ang humihikbing dalaga at yakapin ito ng ubod higpit.
Gustuhin man niyang sabihin dito ang buong katotohana’y hindi niya magawa sapagkat mas lalo lamang itong magiging masakit para sa kanilang dalawa…
IV
Tama na! Tama na!, ang nagmamakaawang sigaw ng isipan ni Sisko. Pakiramdam niya’y hindi na niya kakayanin pa ang isang minutong pananatili sa lugar na iyon. Samu’t saring mga kaganapan ang isa-isang nalalantad sa paningin ng napapatdang binata. Mga pangitaing labis na pumupukaw sa iba’t ibang emosyon sa kanyang puso at lalo pang nagpapatuliro ng kanyang isipan.
Kung bakit at paanong nasasaksihan niya ang mga ito’y hindi niya lubos na maintindihan at wala nang sapat na panahon at lakas para pagnilayan pa. Ang alam lamang niya’y nagsisimula nang magkatotoo ang nasasaad sa misteryosong alamat na iyon…
Ang alamat na nakatakdang bumago sa ikot ng mundo.
Isang iglap at natagpuan na lamang niya ang sariling nasa gitna na ng isang mapusok na digmaan. Natulig ang kanyang mga tenga sa malalakas na hiyawan at kalansing ng espada sa espada. Matingkad ang dugong tumitigmak sa lupa. Kasintingkad ng dugong dumadaloy sa tangan-tangan niyang sandata…
Namamanghang tinitigan ni Sisko ang espadang iyon at noon lamang napansin ang ginintuang baluting bumabalot sa buong katawan. Sa katawan ng taong kanyang kinaroroonan…
Nagsimulang gumalaw ang katawan… Ang taong iyon. Umigkas ang kamay upang sanggain ang espada ng kalabang nakasuot naman ng itim na baluti. Nasa loob ng taong iyon ang pag-iisip ni Sisko. Para siyang bihag na saksi sa bawat galaw ng katawang hindi naman niya kontrolado.
Ito na ba… Ito na ba ang kanyang nakaraan? Ang katauhang papalit sa katauhang nakagisnan na niya?
Nalalapit na nga ba ang katuparan ng sumpa?
Dito sa lupaing ito siya maninirahan bilang ang katauhang iminulat sa kanya ng mga taong iyon. Ang katauhang tulad ng isang eklipse’y nababalot ng misteryo’t kadiliman at mga katanungang sa palagay niya’y hindi na kailanman masasagot pa.
Gusto ng mga taong iyon na dito sa lugar na ito niya kalimutan ang pilit na pag-alala sa nakaraang limot na. Isang mahirap na layuning ni minsa’y hindi niya binalak na bigyang katuparan at hanggang ngayon nga’y di pa rin nais na pasinayaan.
Dahan-dahan siyang bumaba sa bawat baitang ng hagdan, sinusuyod ng tingin ang airport na nilapagan ng private plane na kanyang kinalulanan.
At sa pagtapak ng kanyang mga paa sa lupa’y tuluyan nang nawala sa likod ng anino ng buwan ang haring araw…
Napapatda ang dalaga. Natigilan sa biglaang pagbalot ng makamanhid lamang lamig sa buo niyang katawan. Lalong bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang mabalot sa kumpletong kadiliman ang buong paligid. Napapihit siya sa kinatatayuan at napasinghap nang hindi na matanawan ang eroplanong binabaan.
Bigla ay naramdaman niyang may unti-unting lumalapit sa kanya mula sa likuran. Dahan-dahan siyang pumihit at bahagyang naningkit ang mga mata sa nasilayan.
Isang nilalang na nababalot sa kumikinang sa pagkabughaw na baluti ang naglalakad patungo sa kinaroroonan niya. Tangan-tangan nito sa isang kamay ang nangingislap sa talim na espadang di miminsan nang nakita ng dalaga sa kanyang mga panaginip.
Gustuhin man ni Louie na lumayo ay hindi niya magawa. Gusto ng isip niya’y ayaw namang sundin ng mga paa niya. Nanatili siyang animo natulos sa kinatatayuan hanggang sa makalapit na ng tuluyan sa kanya ang nilalang na iyon.
Nakakaramdam siya ng sakit at labis na pighati ngunit hindi niya lubos maisip ang dahilan. Animo nanggagaling ang lahat ng masidhing emosyon na ito sa damdamin ng taong kinasaniban ng kanyang kaluluwa.
At parang sinasadyang sa mga sandaling iyon ay animo napag-isa ang nakaraan at kasalukuyan.
Sa dimensyong kinaroroonan ni Sisko bilang isang gintong mandirigma ay itinaas niya ang kanyang espada sa kalangitan at humiyaw ng pagkalakas-lakas na s’ya rin namang ginawa ng bughaw na mandirigma sa harap ng napamaang na si Louie.
Ginuhitan ng isang malaking kidlat ang itim na kalangitan na agad namang sinundan ng nagngangalit na hugong sa panganorin. At sa sandaling itusok ng nagngangalit na ginintuang mandirigma ang espada sa lupa’y siya namang tagus-tagusang pagturok ng talim ng parehong espada sa dibdib ng nagitlang dalaga.
Napagibik sa sakit si Louie nang bigla’t marahas na hinugot ng bughaw mandirigmang iyon ang espada. Pagkaraa’y tumalikod ito at tuluy-tuloy ng naglakad papalayo.
Habol ang hiningang kinapa ni Louie ang kumikirot na dibdib at napasigok sa dami ng dugong tumigmak sa kanyang kamay. Unti-unti na ngang nanlabo ang paningin ng dalaga at maya-maya pa’y nalugmok na sa kanyang mga tuhod at tuluyan nang bumagsak sa lupa—padapa’t dilat ang mga matang nakatingin sa kawalan…
Kasabay ng pagkakayukayok ni Louie ay ang pagpapatihulog naman ng ginintuang mandirigma sa nagbabagang lawa ng apoy sa bunganga ng bulkan ng buhay—
--At kamatayan.
Oo’t natapos na nga ang eklipse, ngunit magsisimula pa lamang ang kadiliman…