| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Live Show
Hindi ko mapigilan
ang ‘di mapahanga
sa make-up sa’yong mukha,
sa pag-indak ng iyong katawan,
(palapit nang palapit…)
na bumubuhay sa mga alaala
ng masayang kabataan.
Unti-unting nananariwa sa isipan
ang mga pangakong ating binitiwan
sa ilalim ng punong akasya…
mga malulutong na tawanan,
sintunadong mga kantahan
sa ilalim ng buwan…
Ikaw ang diwata
na iniluwal
ng mga kwentong pambata.
Taglay mo ang alindog
sa pagsasayaw
sa musikang nilikha
ng bawat paghinga
pag-indayog
mga hiyaw
at pagluha.
Kakaiba ang iyong angking hiwaga,
lahat nabibighani sa’yong ganda.
Kawangis mo ang isang diyosa
at ako ang iyong alipin
pilit na pinipigil ang damdamin.
Nilamon ng dilim
ikinubli ng bawat umaga
pagnanasang naglalagablab
sa’king mga mata.
Dito sa sulok, kapiling nitong serbesa;
isisilid ko sa aking gunita
ang galaw ng iyong beywang
ang paggiling ng iyong balakang
sa saliw ng awitin
na gumigising
sa pangungulilang papawiin
ng maharot na tanawin.
Dahan-dahang paghalik
at pakikipagtalik ng bote
sa nananabik kong labi.
-October 21, 2005