| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Ako’y lasenggo, malupit na asawa at iresponsableng ama.
Isang lalaking walang ibang iniisip kungdi sariling pagpapaligaya.
Laman ng beerhouse, hari ng mga sunog-baga at suki ng mga pokpok sa kanto,
Parang walang anak, walang asawa na dapat ay inaasikaso.
Nabubuwisit ako pagdating ng bahay
Lalo na’t kung sinasalubong ng asawang nasa baywang ang mga kamay
At hanggang langit ang kilay.
Magbubunganga siya’t magrereklamo.
“Magbigay ka ng pera pang renta ng bahay! Pang bayad ng Meralco!”
Magsisindi lamang ako ng sigarilyo…
Maya-maya’y magsisimula ng lumipad ang mga baso’t plato.
Kinabukasa’y kaharap niya ang salamin,
Tinatakpan ng make-up ang mga pasang nangingitim.
Sa pagpunta niya ng eskwela dala ang mga panulat at libro,
Diretso ako ng sugalan, ipupusta ang pambaon ng mga anak ko.
Ako’y lasenggo, malupit na asawa at iresponsableng ama.
Umuuwi lamang ng bahay kung gutom o makikipagsiping sa asawa.
Mas madalas kong kasama, mga bote ng Tanduay at Ginebra,
At natutulog sa init ng kama ng iba.
Mga anak ko’y di ako kilala.
Sila’y tumatakbo palayo,
Kapag ang mga yabag ko’y naririnig na.
Lumisan siyang bigla.
Ang ambisiyosa’y nangibang-lupa.
Iniwan niya sa akin ang lahat ng mga gawai’t pasakit
Para sa perang mahigpit ang aking kapit.
Sa mga padala niyang pasalubong at salapi,
Nagulat ako ng biglang mangulila ang aking puso’t mahati.
Di ko inaasahang siya’y hahanapin
Ng higit pa sa pera, sa alak at mumurahing bulaklak.
Manhid ako nung una.
Naglao’y di makayanan ang kanyang pag-alis,
Ang kanyang paglisan.
Ako’y lasenggo, malupit na asawa at iresponsableng ama.
Noon yon—hindi na.