| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Hindi Ikaw
Paggising sa umaga
iiwasan ng mga mata
talas ng sikat ng araw,
iyong unan sa’king tabi
kanlungan ng iyong mukha
tahanan ng iyong ngiti.
Paglagok ng tubig sa baso,
pagmumog at pagbuga nito
dadaloy lahat ng dumi
sa maputing lababo.
Matatangay ng agos
iniwang tamis ng iyong halik,
bakas ng iyong mapulang labi…
Iikot nang iikot—
mabilis
tulad ng alimpuyo
sa malinaw na batis.
Sa bawat damit na huhubarin
at pagbuhos ng tubig sa katawan;
kasabay nito unti-unting papawiin
pagnanasa, pananabik, uhaw, kapusukan
at init ng mga gabing nagdaan.
Tatapatan ng hawak na sabon
iyong mga yakap at haplos.
Buburahin ng magaspang na panghilod
mga iniwang marka ng kahapon;
sa pamamagitan ng paghagod
sa mga iniingatang bahagi
nitong aking katawang pinagpala
ng iyong nag-aalab na bibig
at mapanuksong dila.
At sa’king paglabas sa banyo,
pagsuot ng pantalon at polo,
dudulog ako sa hapag-kainan
hihintayin ang aking almusal.
Saka lalabas ang babaeng pinangakuan
ng aking wagas na pagmamahal
at isandaang porsiyentong katapatan.
Lalapit siya at maghahain
pagkatapos, uupo sa’king harapan
magsasalo kaming dalawa
sa gitna ng katahimikan.
Hihinto siya sa pagsubo,
iaangat ang ulo sa pagkakayuko,
ngingiti kasabay ng tinging malagkit
tulad ng sopas at kaning mainit.
Habang hinihigop ang sabaw
tititigan ko ang kanyang mukha
at doon ko makikita…
Ikaw.
--November 5, 2005