Share/Save/Bookmark
Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search Login Register Extras
Fiction » Romance » Chocokiss font: B s : A A A . width: full 3/4 1/2
Author: Hana Rui
Fiction Rated: T - Filipino - Romance/Humor - Published: 01-26-06 - Updated: 05-19-06 - id:2098858

Buod: Masakit na nga iyong malaman mong iba pala ang gusto ng pinapangarap mo. Eh paano pa kaya kung yung Prince Charming mo eh Prince Charming din pala ang tipo?


CHOCO-KISS

Hana Rui


CHAPTER ONE

This is it!

Sinigurong muli ni Anya na mahigpit na ang pagkakatali ng backpack sa likod ng motorsiklo bago isinuot ang helmet na umaayon sa kulay ng gabi.

“Anya, iha, hwag ka nang umalis, please!” Kulang na lang ay magpatikluhod na sa pagmamakaawa ang kanyang Yaya Idang.

Para namang walang narinig ang dalaga’t sinimulan na ngang itulak ang motorsiklo palabas ng bakuran.

“Anya!”

“Yaya!” mahina ngunit paasik na saway niya sa matandang nakabuntot sa kanya. Daig pa nito ang isang batang paslit kung makanguyngoy. “Napag-usapan na natin ito di ba?”

“Oo nga, pero iha! Pag-isipan mo muna ng mabuti! Hindi biro itong gagawin mo!”

“Tell that to my parents!” singhal niya bago tuluyang talikuran ang humihikbing tagapangalagang sumusunod pa rin sa kanya. “Yaya, pwede ba! Huwag mong sabihing sasama ka pa sa’kin nyan!”

“Kahit saan, iha, sasamahan kita!” Humawak pa ito ng mahigpit sa kanyang braso.

“Ch!” Sa sobrang pagkayamot ay nagawang itulak ni Anya ang matanda, dahilan para mapasadsad ito sa damuhang pigta ng nakalipas na ulan.

Maging siya ay nagulat din sa inasal, ngunit kaysa mahuli’y pinili na lang niyang iwan sa ganoong kalagayan ang matandang siya na halos nagpalaki sa kanya. Walang lingon-likod na itinakbo na niya ang motorsiklo palabas ng malawak na bakuran bago ito sinakyan at pinaharurot palayo sa kanilang mansyon.

Ang mansyong iyon ng mga Mijares na naging kulungan niya sa napakahabang panahon.

Simula sa oras na ito, ang lahat-lahat ng tungkol sa kanyang buhay bilang kasapi ng pamilyang iyon ay bahagi na lamang ng nakaraan.

A past she was more than willing to forget…


KASALUKUYANG binabagtas ng isang magarang CR-V ang kahabaan ng isolated na kalsadang paluwas sa Maynila. Lulan nito ang dalawang binatang sina Trevor at Jeremy na sa malapitang pagkilatis ay madaling maihahambing sa dalawang makikisig at matitikas na Adonis sa lupa. Galing ang mga ito sa kasal ng kapatid ng una na hindi nila nagawang tapusin dahil sa paghihimutok ng huli.

“Stop the car!” Bigla ay dumagundong na parang kulog sa loob ng sasakyan ang palahaw na iyon ni Jeremy. Matigas ang tinig niyang iyon, karaniwan sa isang nagngangalit na binata. Kung makapagpapakawala rin lang ng kidlat ang nagngngalit din niyang mga mata’y hindi malayong maging ‘lechon-de-tonto’ ang magaling niyang nobyo sa talim ng tinging kasalukuyang ipinupukol niya rito.

“Ano na naman ba’ng drama mo?” Isa pang matipunong tinig ang pumailanlang. Sa kabila ng nararamdamang pagkainis sa pag-aasal prima donna ng kasamang binata ay pinilit pa rin ni Trevor ang magpakahinahon. “Sinabi ko na ngang I’m sorry di ba? What part of that did you not understand?”

“Kaya mo ba ako isinama roon para maipangalandakan sa aking nagsasawa ka na sa set-up nating ito?!” Sa kabilang banda’y hindi na napigilan pa ni Jeremy ang paghulagpos ng isang laksang hinanakit. Ngali-ngaling banatan niya ang napapailing na kasama’t ingudngod ang pagmumukha nito sa salamin ng bintana.

“Ano bang malay kong hahalikan ako ni Guada? That bitch!” sambitla naman ng naaaburido na ring si Trevor. “You saw me push her away! Huwag mo nang palakihin pa’ng isyu, please?”

Biglang napaiwas ng tingin si Jeremy, itinuon ang atensyon sa talahibang katabi ng tinatahak nilang kalsada. Hindi man niya aminin sa sarili, ang simpleng pakiusap lamang na iyon mula kay Trevor ay sapat na para sawatahin ang pagpupuyos ng kanyang damdamin.

Ngunit hindi kailanman ang kanyang pagkaligamgam. Ang pag-aalinlangan at pangambang maaaring magtapos ang lahat sa kanilang dalawa nang hindi man lang niya namamalayan.

At ayaw na niyang paabutin pa ang kalokohang ito sa puntong ikamamatay na niya ang sakit na idudulot ng kanilang paghihiwalay.

“Kung ayaw mong i-preno, tatalon na lang ako!” may tonong nanghahamon na pahayag niya. Ngunit bago pa man niya mabuksan ang pinto’y maagap at mahigpit nang nagagap ni Trevor ang kanyang braso. “Dammit, let go!”

“Don’t be such an ass, Jeremy! Huminahon ka nga muna!”

Dahil nga natuon ang atensyon ni Trevor sa nagpupumiglas na nobyo’y hindi agad nito napansin ang pagewang-gewang na motorsiklong palapit sa kanilang direksyon. Halatang nawalan ng kontrol ang sakay nito sa biglaang pagbuhos ng ulan na nakapagpadulas sa kalsada. At mukha yatang sasalubong pa ito sa kanila!

Nagawa ni Trevor na kabigin ang manibela bago pa tuluyang magkasalpukan ang dalawang sasakyan. Ngunit dahil nga sa biglang paglihis din ng motorsiklo sa kabilang diresyon ay tuluyan na itong humapay at sumadsad sa talahiban.

Naiwan namang walang malay—o walang buhay?—at nakahandusay sa kalsada ang sakay nito matapos tumilapon at mag-ala-darnang palaka sa ere.

“Oh shit!” nanlalaki ang mga matang nasambit na lamang ni Trevor habang si Jeremy naman ay natulalang parang namatanda sa tabi nito.

tbc...



© Copyright 2006 Hana Rui (FictionPress ID:277117).


Return to Top