Share/Save/Bookmark
Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search Login Register Extras
Fiction » Romance » Chocokiss font: B s : A A A . width: full 3/4 1/2
Author: Hana Rui
Fiction Rated: T - Filipino - Romance/Humor - Published: 01-26-06 - Updated: 05-19-06 - id:2098858

CHAPTER THREE

“Hindi pa pala ako naipapakilala sa’yo ni Jeremy,” narinig niyang sabi ng binatang nakaupo na ngayon sa kanyang tabi. Ang lalakeng karibal niya sa atensyon—o mas tama bang sabihing pagmamahal?—ng itinatanging master. “I’m Trevor.” Ginagap pa nito ang nanlalamig niyang kamay at masuyong pinisil iyon. “Are you all right?”

Magmumukha siyang tanga’t sinungaling kung sasabihin niyang okay lang siya. Kasalukuyan kasing namamanhid ang bawat sulok ng kanyang katawan at pupusta siyang daig pa niya ang kulay at itsura ng isang bangkay.

Kung hindi nga lang siya nakaupo’t nakakapag-isip, malamang na akalain niyang patay na nga siya.

“Hwag mong masyadong dibdibin yung nakita mo,” pagpapatuloy pa nito na nawili na yata sa paghawak sa kanyang kamay. “If you are to live with us, dapat masanay ka na. Minsan kasi e hindi makapagpigil ‘yang si Jeremy.”

Parang sinasadyang bigla na namang nag-flash ang karimarimarim na imaheng iyon sa kanyang isipan—isang topless na Jeremy na nakahiga sa couch, kinukubabawan at pinupupog ng halik ng lalakeng ito.

Pakiramdam niya’y magkakasakit siya’t tuluyan nang malalagutan ng hininga.

“Dyahe bang talaga?” medyo may pagkapahiyang tanong ng binata. “Don’t worry, sasabihan ko si Jeremy to practice control.”

Para namang nahiyang biglang napailing si Kimchy. Ang lagay e siya pa ngayon ang pakikibagayan gayong siya na nga itong bagong salta? “Hindi nyo na kailangang mag-adjust for me. Ako ngang bwisita dito, di ba?”

“No, minsan kasi Jeremy has a tendency to go overboard. Dapat na rin sigurong kausapin ko siya.”

“It’s totally fine with me. Totoo,” giit niyang taliwas naman sa ipinagsisigawan ng kanyang isipan.

Matagal siyang tinitigan ni Trevor, animo tinitimbang ang katotohanan ng kanyang sinabi, bago ito muling nagsalita, “I’ll talk to him anyway.”

And how could she argue with that? Kung yun talaga ang gustong gawin nito, wala na siyang magagawa. Tutal, pabor naman iyon sa kanya, di ba? Sana nga lang ay mapigilan din niya ang pag-o-overboard ng mga ito kahit out of sight siya.

Sa totoo lang ay mahirap para sa kanyang paniwalaang isang lalaki rin pala ang kahati niya sa puso ni Jeremy, ang kanyang master. Ang prinsepe sa mga panaginip ng bawat romantikong babaeng nangangarap na magmahal at mahalin.

Sinong mag-aakalang isa rin palang prinsepe ang tipo ng kanyang Prince Charming?

Bahagyang napabuntong-hininga si Kimchy. Kanina pa niya pinag-iisipan kung sino sa dalawa ang medyo tagilid ang kasarian. O baka naman parehong nakapatadyong ang mga ito? O baka naman… hindi?

Ngunit papaano namang ang dalawang Adan ay magagawang magsalo sa iisang mansanas kung hindi nga ba’t Ebang may buntot ang isa sa kanila?

Sa pakiwari niya’y talagang napakahirap sagutin ng tanong na ito. Sa pananamit kasi, salita’t galaw ay walang pinag-iba ang dalawa sa isang karaniwang lalaki. Kung hindi nga lang sa nasaksihan kanina ay nunkang mapaghinalaan niya ang mga ito.

At kahit sabihin pang may amnesia siya’t wala ni kakarampot na maalala tungkol sa buhay niya’t pagkatao, tandang-tanda pa rin naman niya ang isang mahalagang batas ng kalikasan.

Na isang babaeng tulad niya lamang ang nababagay sa isang lalakeng tulad ni Jeremy at hindi ang unggoy na wala na yatang balak bitawan ang kanyang kamay.

Siguradong iniiputan lang nito sa ulo ang nuknukan ng bait niyang master.

Bigla tuloy niyang nahila palayo ang kamay nang makaramdam ng pagkainis sa lalaking iyon. Para yatang gusto niya itong sakalin, sampalin at kuyugin nang todo hanggang sa mabaldado ito.

Gaano katagal na kaya nitong niloloko si Jeremy?

“Kumusta na nga palang memorya mo?”

Kumunot ang noo ni Kimchy sa tanong na iyon ng binata. Pinagkatitigan niya ito ng maigi at napakagat-labi. Para tuloy gusto niyang dagukan ang sarili sa pag-iisip ng masama tungkol dito gayong hindi pa naman niya ito lubusang nakikilala.

Gwapo rin pala ito at napakaamo kung titingnan ang itsura. Ang mga mata, hindi man kasingganda ng kay Jeremy ay animo nangungusap. Humahabi ng isang pangarap, isang pangako ng masayang bukas para sa taong lubos nitong pinahahalagahan.

Mukhang ni magsalita ng masama ay hindi nito makakayang gawin, paano pa kaya ang manloko ng kapwa?

Lalo na kung ang kapwang iyon ay ang pinakamamahal nito…

Teka paano nga kaya kung mali ang unang akala niya? Paano kung all along pala ay si Jeremy ang hudas sa likod ng mala-anghel na maskara at hindi ang taong ito?

Bakit nga ba napakahirap para sa kanya ang paniwalaang wagas at busilak ang pagtitinginan ng dalawang ito sa isa’t isa?

Bigla ay napako na naman ang tingin niya sa litrato sa side table sa tabi ng couch. Ang litratong iyon ng dalawang lalakeng mukhang kuntentong-kuntento na sa isa’t isa.

Dalawang pusong nakapagpangakuan na ng walang hanggang pagmamahalan.

Para tuloy gusto nang sumabog ng puso nya sa katotohanang iyon.

“I’m really sorry.”

Muli ay bumalik ang atensyon niya sa lalaki.

“Kasalanan ko kung bakit nagkaganito ka,” malambing din ang tinig nito. Animo iisang anghel lang ang tumipa rito at sa nakakahipnotismo ring tinig ng kanyang master. Sa isang iglap ay nagagap na naman nito ang kanyang mga kamay. “We’ll do everything we can to help you regain your old self.”

Sa puntong ito’y walang maapuhap na sabihin si Kimchy. Pakiramdam nya’y napakaswerte niyang ganito kababait ang mga taong kumupkop sa kanya. Hindi na mahalagang ito ang muntik nang makasaga at makapatay sa kanya—ayon na rin sa salaysay ni Jeremy. What really mattered was that, more than willing ang mga ito na tulungan siya.

Lalo na ang lalakeng ito na ang ngiti’y animo isang maaliwalas na tanawin sa kalangitan na nakapagpapagaan ng kalooban.

“S-Salamat,” nasambit na lamang niya, kahit na sa pakiwari niya’y wala na ring halaga kung maibabalik pa ang dati niyang pagkatao. Kung hindi rin lang naman kasama sa nakaraan niya si Jeremy, ano nga ba namang saysay ng pag-alala pa rito?

Napamulagat si Kimchy nang bigla na lamang naramdaman ang marahang pagdampi ng isang halik sa kanyang mga labi.


NAGPUPUYOS sa galit si Jeremy nang makabalik sa kusina. Ang balak lamang naman niya ay mapangaralan ng maayos si Kimchy. Bakit ba kailangan pa niyang masaksihan ang huling bahagi ng pag-uusap ng dalawa? Ang parte kung saan hinalikan ng nobyo niya ang babaeng iyon.

Wari’y gusto niyang magwala. Magsira ng mga gamit. Maghihiyaw na parang isang baliw upang sa gayon ay maibsan kahit papano ang pagmamarkulyo ng kanyang dugo.

Ang walanghiyang Trevor, naturingang nobyo niya—kung tutuusin ay live-in partner na nga!—ay ganito pa ang iaasta sa sarili nilang pamamahay! Ang tahanang pinagtulungan nilang ipundar! Hindi pa nga siya lubusang nakakabawi sa insidente kahapon ay heto’t naging saksi na naman siya sa lantarang panggagago nito.

At ang babaeng iyon! Siya na ngang nagmagandang loob na kupkupin ito, pagpasensyahan ng husto ang lahat ng pagkakamaling nagawa sa buong maghapon, ay ito pa ang igaganti sa kanya! Kalilinis nga lang niya ng mga ikinalat nito sa salas ay heto’t nadagdagan na naman ang atraso nito.

Hindi naman sa dinibdib nga niyang talaga ang mga kamalian ng dalaga. Sa katunayan nga’y binigyang kulay pa nito ang kanyang buong maghapon.

Talagang mapilit itong makatulong kahit na nga kagagaling pa lang sa aksidente.

“Hindi naman ako napuruhan ng husto,” pangangatwiran pa nito. “All joints and muscles are in perfect working condition. Saka mababagot ako kung mahihiga lang ako dito all day. Sige na, please?”

Syempre pa, pinagbigyan niya ito sa pag-aakalang makakatulong nga ito sa kanya.

As it was, taliwas sa akala niyang iyon ang nangyari.

Malamang na nanggaling ang babaeng iyon sa isang buena familia. Isang mayaman at ingleserang senyoritang ni minsan ay hindi pa nagagawi sa kusina o nakakahawak man lang ng walis!

Makailang beses kasi itong nakabasag ng pinggan at baso sa paghuhugas. Imbes na linisin ay dinumihan pang lalo ang bahay nang i-set sa reverse ang vacuum cleaner dahilan para bumalik ang lahat ng alikabok na naimis niya noong isang araw. Balak din sana niyang paglabahin ito at tingnan kung anong mangyayari, kaya nga lamang ay nagdalawang isip na siya. Ano nga namang isusuot nila kung magmumukhang basahan ang lahat ng kanilang mga damit?

Sa kabila ng lahat ng ito’y hindi naman siya nakaramdam ng pagkainis sa babaeng iyon. Naaliw pa nga siya sa mabilis nitong pagtalima sa pagtawag niya at kung paano nitong pilitin ang sarilng gawin ang anumang ipag-utos niya. Kahit na nga hindi nito kadalasang alam kung ano ang gagawin.

Paano naman siyang magagalit e ganoon din naman siya noong una silang magsama ni Trevor, o baka nga mas malala pa.

Tulad niya dati’y para itong isang genie na dysfunctional ang magic. Isang unrehearsed comedianne na kahit lalong dinagdagan ang mga gawaing bahay ay nasiyahan naman siyang makasama.

Ngunit ngayon ay para nang isang makamandag na ahas ang tingin niya rito. Isang napakalaking banta sa mahabang panahon na ring pagsasama nila ng nobyo.

Simula nang pasinayaan nila ni Trevor ang kanilang computer shop, ang Networld Madness, ay madalang na silang maghiwalay nito. Magkatuwang sila sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo at magkasamang palagi sa lakaran—may kinalaman man dito o wala.

Ni butil nga ng alikabok ay hindi sila mapaghiwalay.

Ngayon nga lamang niya kinailangang magpaiwan dahil walang makakasama sa bahay ang kanilang panauhin.

Ang panauhing ngayon nga’y tuluyan nang sisira sa kanilang relasyon.

Sa kalokohang ito.

Tama nga kaya ang naging desisyon niyang kupkupin pansamantala ang dalaga hanggang sa tuluyang manumbalik ang ala-ala nito? Para rin naman sa kaligtasan nito ang ginawa niyang iyon. Paano nga naman nilang ipapa-advertise ang pagkawala nito kung ni katiting ay wala itong nalalaman tungkol sa sariling pagkatao? Kung may mag-claim dito’y paano nila matutukoy kung kakilala nga ba talaga ito ng dalaga o nananamantala lang?

Kabutihan na nga nito ang inalala niya, pagkatapos ay ganito lang pala ang mangyayari!

Mahal niya si Trevor at iginagalang ang lahat-lahat sa pagkatao nito. Lahat, maliban sa pasumpong-sumpong na pagkapalengkero na pati si Kimchy nga ay hindi pinaligtas!

Napasingasing pa muna ang binata bago dali-daling binitbit ang pitsel ng lemon juice patungo sa salas.

Ang lemon juice na kanina lang ay pinagtulungan nilang timplahin ni Kimchy, at ngayon nga’y balak niyang ibuhos sa pagmumukha ng magaling niyang nobyo.

Ngunit dahil sa sobrang dilim na ng kanyang paningin ay kung bakit kay Kimchy niya naisaboy ang malamig at kulay dilaw na likidong iyon.

“Jeremy!” napatalon sa kinauupuan ang nabiglang si Trevor.

“Fuck you!” naisambilat niya sa mukha nito bago nagngangalit na ibinato rito ang pitsel. Nakailag naman agad ang binata, ngunit hindi ang tuliro pa ring si Kimchy. Ang pagkabasag ng pitsel ay sinabayan ng lagutok ng sampal na iginawad niya sa mukha ng maluha-luha nang babae.

Sasampalin pa sana niya ito ng makalawang beses, ngunit humarang na sa harapan niya si Trevor at maagap na pinigilan ang kanyang mga kamay.

“Tama na!” mariin nitong saway.

Gusto man niyang balian ng kahit isang buto man lang ang nobyo’y pinili na lamang ni Jeremy ang tumalima sa utos nito. Itinuon niya ang nagniningas niyang mga mata rito bago humihikbi pang muling inilabi ang mga katagang, “Fuck you.”

Tuluyan na siyang napahagulgol nang kabigin siya nito’t yakapin nang mahigpit. Hinagod-hagod pa nito ang kanyang likuran while whispering words of apology and assurance into his ear. “It’s okay, Honey… I’m really sorry.”

Wala ni isa sa kanilang nakapansin sa mga luhang nagpatiunahang tumagas mula sa mga mata ni Kimchy bago ito nagtatakbo palabas ng bahay.


KAHIT pigtang-pigta na’t nangangatal sa malakas na buhos ng ulan ay mukhang wala pa ring balak tumigil sa paglalakad si Kimchy. Hanggang sa mga oras na iyon ay ramdam pa rin niya ang hapdi ng pagkakasampal sa kanya ni Jeremy. Ang sakit na idinulot nito sa kanyang pisngi ay umabot na nga hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso. Ng kanyang kaluluwa.

Pakiwari niya’y namatay nang makaraang beses ang kanyang puso at patuloy itong magdurugo ng panghabang-buhay. Paulit-ulit na papanaw at mabubuhay upang muling maramdaman ang sakit. Ang paghihirap ng isang pusong pinagkaitan ng pag-ibig, itinatwa’t ibinasura ng lalakeng pinag-alayan nito ng katapatan.

Ng pagmamahal.

Ng sanglibo’t sanglaksang katangahan.

Oo, isa nga siyang napakalaking tanga. Isang tontong lalo pang nagpakatonto sa isang taong kailanman ay hinding-hindi masusuklian ang kanyang damdamin.

Ang kasumpa-sumpang emosyon na ito.

Ang pagguhit ng isang malaking kidlat sa pusikit na kalangitan ay sinabayan pa ng daluhong ng isang malakas na pagkulog. Animo nakikiramay ang kalikasan sa kanyang kasawian.

O baka naman ipinaaalala nito sa kanya ang nakatakda niyang kapalaran?

Marahil nga’y isinumpa siya ng langit. Planong pasakitan hanggang sa mapagbayaran niyang lahat ang mabibigat na kasalanang nagawa noon.

Hanggang sa mapagsisihan ang mga kalokohan niyang labis na nakapanakit ng damdamin ng mga taong dati’y nakapaligid sa kanya.

Ngunit paano naman siyang makapagsisimulang magtika gayong hindi naman niya alam ang kamalian niya? Ni hindi nga niya nakikilala kung sino siya!

O kung gusto pa nga ba niyang balikan pa ang nakaraang iyon.

Ang dati niyang sarili.

“Anya?!”

tbc



© Copyright 2006 Hana Rui (FictionPress ID:277117).


Return to Top