Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search Login Register Extras
Poetry » Life » Dugo na ang Tinta at Lumuha ang Papel font: B s : A A A . width: full 3/4 1/2
Author: Haraya
Fiction Rated: T - Filipino - Poetry/Tragedy - Reviews: 4 - Published: 02-23-06 - Updated: 02-23-06 - Complete - id:2118797

May higit pa nga bang gaganda

Sa isang papel na maputi

At walang bahid ng tinta?

Kay kinis kung iyong tititigan.

Kay bango kung iyong aamuyin.

(Nakabubulag…

Nakasisilaw…

Nakahuhumaling…)

Kasabay sa paghawak mo ng panulat

Ay ang unti-unting paglamon sa iyong isipan

Ng mga makamundong kahayupan at kasalanan.

Ika’y nasilaw at nagpadala.

Ang puri ni papel ay di dapat manatili.

(Dungisan…

Dumihan…

Wasakin…)

Sa higpit ng kapit ng pawisan

Mong palad, paulit-ulit mong nilapastangan

Ang papel na nagsusumigaw at nasasaktan.

Binahiran mo ng putik ang kaputian niyang hubad

Na ngayon ay mistulang sa dugo’y nakababad.

(Huwag…

Tama na…

Ayoko na…)

Unti-unti ng humihina ang sigaw ni papel

Ngunit patuloy ka pa rin sa iyong tahasang paggamit.

Ika’y nabingi sa biglaang katahimikan.

Binuksan mo ang iyong mga matang napapikit

Sa kaligayahang nadama ng panandalian.

(Bakit?

Paano?

Hindi…)

Iyong nakita ang papel na nakahimlay--

Ang bahid ng luha sa kanyang mukhang walang buhay.

Pinilit mong buuin ang punit-punit na pilas.

Huli na ang lahat…

Dugo na ang tinta at lumuha ang papel.



Return to Top