Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search Login Register Extras
Poetry » Life » Kulangot na Daigdig font: B s : A A A . width: full 3/4 1/2
Author: Haraya
Fiction Rated: T - Filipino - Poetry/Humor - Reviews: 2 - Published: 08-16-06 - Updated: 08-16-06 - Complete - id:2231233

Bakit ba binibilog ang nakuhang kulangot?
Ano ba ang misteryo na dito’y bumabalot?
Mga siyentipiko kaya’y may eksplanasyon
Sa nakangingilabo’t bantog na penomenon?

Ito ba’y simbolo ng mundo na makapit…
Na sa dumi’t alabok ay parati ng dikit?
Bango ng basura at ang baho ng pabango
Masasabi pa ba sa langhap ng kulangot mo?

Samu’t sari ang klase ng kulangot sa mundo
May matigas, madulas, mabuhok at maabo.
Maaari ring puti, berde, o kaya’y pula
(Pag taghiyawat sa loob ng ilong ay pisa na…)

Sa panahon ng krisis, mapa-ubo pa’t sipon
Ang pagbagsak ng uhog ay tila isang talon.
Maaaring singhutin o kaya ay isinga,
Pwede mo ring lunukin at lasapin ang lasa.

Sa patagong pagdukot ng duming kulay lumot
Maaaring may itim (depende sa nasinghot.)
Ang pagtanggal ng bara ng gayo’y makahinga
Ay para ba sa buhay o sa iyong ginhawa?

Pagkatapos dukutin ay saka ipapahid
Sa damit, sa pader o sa katabi ibahid
Ang sariling dumi ay sa iba ipapasa
Nang magmukhang malinis sa paningin ng masa.

Bakit ba binibilog ang nakuhang kulangot?
Ano kayang misteryo ang dito’y bumabalot?
Isa ba itong krimen na marami ang sangkot?
Na naghuhugas-kamay upang hindi madampot?

Kung lalanghapin na lang ang dumi sa daigdig
Ang lahat ng problema’y madaling makakahig
Ngunit ikatutuwa ba o ikalulungkot?
Kung malamang ang mundo’y bilog lang na kulangot?



Return to Top