| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Café Latte
Sakupin mo ang aking isipan
at gisingin ang pusong ito
na binalot ng ginaw
at labis na kalungkutan.
Hayaan mong namnamin
ng nanunuyo kong labi
ang iyong init na papawi,
bubura sa mapapait na alaala.
Taglay mo ang bagsik
at lambing na bumibihag,
gumagabay sa’king diwa.
Ikaw ang munting kislap
na nagbigay liwanag
sa mga gabing mapanglaw.
Pinalaya mo ang aking isipan
sa higpit ng pagkakagapos
sa tanikala ng kabiguan.
Sa iyong kapangyarihan nanumbalik
ang saganang pagdaloy ng mga salita
at wala nang makapipigil pa
sa mga kamay sa paglikha ng tula.
Ngayong nandito ka sa’king tabi,
kapiling ko sa’king pag-iisa
pupunuan ng iyong halimuyak
ang kahungkagang nadarama.
Ikaw ang magiging inspirasyon,
karamay sa pagsusulat.
At kahit na ako’y iyong iwanan,
mananatili namang buhay sa isipan
ang iyong bagsik, tamis at init
na tila lagi pa ring dumadampi
sa uhaw at nangungulilang labi.
Pagliliyabin ng iyong mga alaala
ang aking diwang iyong inulila.
Sapat na ang lahat ng ito kung wala ka,
para ako’y makalikha ng mga tula.
-10/11/06