Share/Save/Bookmark
Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search Login Register Extras
Poetry » Love » Ang Talinhaga sa Langit font: B s : A A A . width: full 3/4 1/2
Author: Lonely Cupid
Fiction Rated: K+ - Filipino - Drama/General - Published: 11-28-06 - Updated: 11-28-06 - Complete - id:2281200

Gershom Chua

10-Solomon

Ang Talinhaga sa Langit

Bughaw na duyan

Ng araw at ng buwan

Ng mga talang nagniningningan,

Ikaw ba’y nakikinig

Sa hinagpis ng taong nagdadalamhati?

Alam mo ba

Ang kagandahan na namumukadkad

At namumuhay, sumisibol

At namamatay

Sa iyong dakilang paanan?

Ikaw ba’y nakaaalam

Ng misteryong bumabalot

Sa buhay, sa mundo,

Sa sangkalawakan

Na di mawari ninuman?

Nararamdaman mo ba

Ang kaluskos ng hanging dumaraan,

Ang galit ng unos na paparating,

Ang sakit ng pusong nagdaramdam

Na naghihintay ng taong hihilom?

Makulimlim, makulimlim

Ikaw ba’y naghihinagpis?

Natitikman na rin ba

Ng labi mong marikit at mapagbigay

Ang puot ng s’yang nagmamahal?

Mga pisnging nasasabitan

Ng mga bulak na walang ‘sing ganda,

Sila ba’y nakatamo na

Ng haplos ng kapalaran?

Ng sampal ng kahihinatnan?

Kahirapa’y di mo naraanan

Pag-ibig di mo nagisnan

Galit ni di mo nadamnan

Kaligayahan pa kaya’y

Iyong mauunawaan?

Ang mga luha

Ng isang nagmamahal

Na tinatangis at inilalabas

Sa ulang bumubuhos

Iyo bang sinasabayan?

Ikaw na nariyan

Sa tronong kataas-taasan

Inaasam mo rin bang

Maging tao tulad

Naming nagmamahal, nag-aantay?

Sa bawat luhang ibinuhos

Ito ba’y naitubos

Ng ulang iyong pinagkaloob

Sa mga uhaw na bulaklak at damo

Na sa iyong paana’y naghihintay?

Makararanas ka kaya

Ng matinding galit,

Kalugdan, pagpapasakit,

At pagmamahal

Ng tulad ng saki’y naririyan?

Ang Poong Maykapal

Na siyang lumikha

Sa iyo, sa akin, at sa kanya

Iyo bang binabati?

Iyo bang pinupuri?

Ikaw ba, kalangitan,

Ay nayayamot

sa iyong katayuan

Malayo sa pasakit,

Malayo sa karalitaan?

Sa iyong katayuan

Sangkatauha’y tanaw

Ang iyong puso,

Kung meron ka man,

Naghahangad bang makipagpalitan?

Mas mabuti ba ang taong nagmahal

Sa batong nakatayo buong buhay

Sa tubig na umaagos magpakailanman

Sa talang nagmamasid, naghihintay

Sa kalawakang nakabalot, nanunuod?

Sabihin mo, langit

Magsalita ka, himpapawid

Kung gusto mong

Pumalit sa katayuan ko ngayon,

Ng isang taong bigo!

Mga tanong,

Mga talinhaga,

Lahat ba’y masasagot

Ng langit na nakikinig,

Nagmamasid, nagmamatyag?



© Copyright 2006 Lonely Cupid (FictionPress ID:435266).


Return to Top