Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search Login Register Extras
Fiction » Romance » Upos font: B s : A A A . width: full 3/4 1/2
Author: masaya
Fiction Rated: K - Filipino - Romance/Angst - Reviews: 7 - Published: 05-30-07 - Updated: 05-30-07 - Complete - id:2368804
Kanina pang naka-alis ang taxi na naghatid sakin sa lugar na ito. Nararamdaman ko na kakaiba na ang tingin sakin ng mga tao na napapadaan at unti-unti na ring nagsisimulang sumakit ang paa ko sa tagal ko ng nakatayo sa pwestong ito. kanina ko pang tinititigan ang pinto - ang pinto ng bar na nasa harap ko. kung magiging totoo ang mga kasabihan at biruan ay kanina pa sigurong natunaw ang pintong ito. naka-ilang beses ko na ring pinilit na itulak ang aking katawan papasok ngunit tila ako'y isang manhid at nakadikit parin sa aking kinatatayuan. unti-unting bumukas ang pinto at lumabas ang isang pamilyar na mukha at ng ako'y nasilayan ay bigla itong magkamayaw ang mga ingay na aking naririnig. sari-sari ang kwentuhan ng mga taong nasa paligid. ngunit tila parang isang pelikula, biglang nilamon ng katahimikan ang mga ito ng ako'y nilapitan nya.

"uy," bati nya sabay tapik sa aking balikat. "kanina ka pa ba dyan?"

makailang beses din akong napakurap bago ako tumango at ngumiti.

"ang wirdo mo ngayon ah. tara, upo tayo dun. yosi lang ako." kaswal na sabi nya sabay hila sa kamay ko papunta sa isang bahagi ng kalsada. medyo malayo na to sa mga taong nagkukwentuhan.

para akong hinila pababa sa pag-upo ko sa sulok na yun. siguro dala na rin ng pagod sa matagal kong pagtayo kanina. maya-maya pa ay tumabi na sya sakin.

katahimikan.

inilabas nya ang lighter na may nakadikit na drawing ko na bigay ko sa kanya 2 weeks ago. sinindihan nya ang yosing kanina pang naka-balanse sa pagitan ng mga daliri nya. tinitigan ko ang mga kamay nya. napangisi ako. tamang ingay lang at napalingon sya pagkatapos pakawalan ang usok na mula sa kanyang mga labi. hindi ko gustong nagyoyosi sya pero may kung anong emosyong bumabalot sakin ng mga oras na yun kaya parang ninamnam ko na lang ang pagyoyosi nya.

napansin nya yata ang pagiisip ko.

"sorry ah. 'lam mo naman di talaga ako nagyoyosi sa harap mo," tumango lang ako. "bakit ang tahimik mo?"

"wala lang."

"ano nga pala yung sasabihin mo sakin?" nakatitig na sya sakin ngayon. putang ina. ang ganda ng mga mata nya. at nakikisama pa yata ang gabi dahil sa tamang ilaw na tumatama sa mukha nya ay lalo syang nanginigibabaw sa paningin ko. mukhang medyo may amats na sya. amoy beer. nakakatawa mang isipin pero nalalasing ako sa amoy nya - sa magandang paraan.

"kasi..." napalunok ako. hinithit nya ng malalim ang yosi. pagkatapos nyang bumuga, tumango sya sakin - senyales na ituloy ko lang ang kwento. "alam mo yung usapan natin dati tungkol sa pagte-take ng risks..."

"oo. na sabi mo walang mangyayari kung hindi magte-take ng risks..." nakatitig lang sya. parang nagtutumbling ang puso ko. maya-maya kinuha nya yung kamay ko. parang kaswal lang. sabay sandal ng ulo nya sa balikat ko. "o, anong tungkol dun?" tangina parang nagsisimula ng kumanta si billy corgan ng Tonight,Tonight sa background.

eto na...

"gusto ko mag-take ng risk pero natatakot ako sa magiging sagot..." bumuntong hininga ako. "ang hirap pala."

"kami na."

natigilan ako. pati paghinga ko tumigil saglit. seryoso.

"ha?" nagsisimula ng mamuo ang kaba ko.

umayos na sya ng upo. nakatitig na ulit sya sakin. parang hinahanap nya ang mga mata ko kaya umiwas ako agad ng tingin dahil alam kong makikita ko ang sagot sa tanong ko sa mga mata nya bago pa man sya makapagsalita. "si maya, kami na." napangisi sya sandali. "...kasi ginawa ko na yung risk na yan. gusto ko ikaw una maka-alam."

katahimikan.

"kaya kung ako sayo. tuloy mo lang yan." pagpapatuloy nya sabay tapak sa upos ng yosing kanina lang ay masayang naka-balanse sa kamay nya. marahan nyang pinisil ang kamay ko at pinakawalan. binuga nya ang huling usok. namumuo na ang luha sa mata ko. tumingin ako palayo.

"o, bakit?"

"wala. yung usok kasi ng yosi mo..." napatawa lang sya sabay nguya ng bubble gum.

"o, ano itutuloy mo na ba?" tanong nya sabay tayo. nasa harap ko na ang kamay nya.

inabot ko ito at hinila nya ako patayo. nang hindi ako sumagot ay natigilan sya sandali. niyakap ko ang braso nya. "masaya ka ba?" tanong ko.

hinimas nya ang ulo ko. "oo naman," ngumiti sya. ang ngiting ni minsan ay hindi magiging para sa akin. "masayang masaya."

tumango ako.

masaya na sya.

ayos na rin ako.



Return to Top