| Home Just In Communities Forums Beta Readers Dictionary Search | Login Register Extras |
Noong naging limang taong gulang ako, naglakas-loob akong sumilip mula sa ilalim ng kumot ko. Meron siyang tatlong mata, malaking bibig at isang patusok na sungay. Wala siyang ilong kaya kahit natatakot ako ay naawa ako sa kanya. Hindi na ako sumilip muli hanggang naging anim na taong gulang na ako. Biglang umalis si tatay at iyak ng iyak ang nanay kaya wala akong makausap. Doon kami unang nagkakilala. Wakwak daw ang pangalan niya. Tinanong ko siya kung bakit lagi siyang nagpapakita sa akin, ang sabi niya, babantayan niya raw ako para hindi ako tumakas. Hindi ko alam kung bakit ako tatakas kaya nag-iba na lang ako ng tanong. Tinanong ko siya kung bakit tatlo ang mata niya. Sabi ni Wakwak, yung isang mata raw niya ang nakakakita sa nakaraan, yung isa sa kasalukuyan at yung isa pa ang nakakakita ng hinaharap. Sabi ko, hindi ba siya naduduling sa pagtingin sa iba't ibang panahon? Ang sagot naman niya, sana naduduling na lang siya. Sabi ko, bakit naman? Sabi niya kasi raw lagi siyang nalulungkot sa mga nakikita niya. Tinanong ko siya kung ano ba ang nakikita niya? Hindi ko pa raw maiintindihan sabi niya. Sabi ko naman inaantok na ako kaya matutulog na ako. Doon lang ako uli nakaranas na matulog ng mahimbing.
Lagi na kaming nag-uusap ni Wakwak dahil lagi namang nagkukulong sa kwarto ang nanay ko. Isang bes, nakita kong umiiyak si Wakwak. Sabi ko sa kanya, wag na siyang malungkot dahil magkaibigan naman kami at hindi ko siya iiwanan. Ang sabi naman niya nakita niya raw sa mata niya na nakakakita sa hinaharap na iiwanan ko siya. Tinanong ko siya kung saan ako pupunta at ang sabi niya, iiwanan ko daw siya dahil kakainin niya ako. Sabi ko sa kanya, wag na siyang malungkot dahil hindi naman ako magagalit kapag kinain niya ako at kapag kinain niya ako, lagi na niya akong makakasama dahil dala-dala na niya ako sa loob ng tiyan niya. Sinabi ko rin sa kanya na hindi ako tatakas at sabi naman niya na alam niya dahil nakita niya raw sa mata niya. Tumigil na sa pag-iyak si Wakwak at ang sabi niya, may magagawa pa siyang paraan. Tinanong ko kung ano pero umalis na siya.
Hindi ko na nakita si Wakwak. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta pero iniwan niya yung isang mata niya sa ibabaw ng kama ko at nabalitaan ko na lang kay nanay na namatay daw yung kapitbahay naming bata.