Fiction » Mystery »

Ang Kahon ni Pandora
Author:
viajera de cuenca PM
Bakit kaya umaalingasaw ang isang kahon sa sala ng mansyon ng mga Macatangay?
Rated: Fiction K+ - Filipino - Mystery/Drama - Chapters: 3 - Words: 4,821 - Reviews: 1 - Updated: 11-04-12 - Published: 04-10-12 - id: 3012276
A+  A-   Full 3/4 1/2 Expand Tighten

Kabanata 2: Si Agent Elle Go

Pinihit ni Elle ang rear view mirror at tinutok ito sa kanyang mga mata. Matingkad na eye shadow, check. Nakaguhit na eyeliner, check. Inangat niya nang kaunti ang mukha upang makita sa kakarampot na espasyo ang mga pisngi. Light pink blush-on, check. Tinunghay niya ang ulo. Pink lipstick, check.

Sumilip muli si Elle sa salamin at nakitang may kaunting kintab na namumuo sa kanyang noo. Dinampot niya ang kanyang bag sa katabing upuan at nagkalkal para sa kanyang compact at brush. Binuksan niya ang compact at isinawsaw sa mala-kremang bloke nito ang kanyang brush. Ipinahid ni Elle ang brush sa noo. Sumilip muli siya sa rear view mirror. Sumawsaw muli siya sa compact at nagpahid ng pulbos sa pisngi at leeg. Inihulog niya ang mga pampaganda pabalik ng kanyang bag, sinukbit ito sa kanyang balikat at binuksan ang pintuan ng kanyang kotse. Inuna niyang ibinaba ang kaliwang binti at kumapit sa upuan para suportahan ang sarili sa pagbaba. Isinara niya ang pintuan nito at pinindot ang key fob upang mag-lock ang mga pintuan.

Tango ang naging bati ni Elle sa security guard na nakita niya habang papasok ng mga gate na singtaas ng isang palapag na bahay. Nakita niyang sumaludo ang gwardiya sa kanya bilang tugon. Napangiti si Elle. Natatandaan pa rin siya ng ilang nagbabantay dito.

Rinig ni Elle ang tik-tok ng takong ng kanyang mga sapatos nang huminto siya upang yumuko at lagpasan ang dilaw na kordon. Tanaw na niya ang mansyon at ang fountain sa harap nito. Nakita niyang labas-pasok sa isang pintuan ang mga lalaking nakasuot ng asul na polo shirt na may nakasulat na SOCO sa kanilang likod. May isa sa kanila na magbibigay ng dalawang piraso ng foot rag.

"Ay, ano itech?" tanong ni Elle sa lalaking nagbigay ng pantakip sa kanyang sapatos.

"Foot cover po, ma'am," narinig ni Elle na sagot ng lalaki habang hinihila niya ang garter ng isang foot rag. "Naubos na po kasi 'yung stock ng disposable."

"Akala ko shower cap. Ang laki naman kasi. May color red ka ba? Waley? Okay, sige na nga, swak sa banga na ito para sa aking shoes. Steady ka lang Kuya, hahawak lang ako sa balikat mo para masuot ko 'to kundi parehas tayong mapapagalitan ni Bossing Rich. Ayan, okay na, salamat Kuya," tinapik ni Elle sa balikat ang lalaki bilang pasasalamat bago tumuloy sa loob ng mansyon at nakita ang Medical Examiner sa hindi kalayuan na abala sa pagsusuri ng isang kahon. Tiningnan din ni Elle ang kahon at nakitang wala na itong laman kundi abo. Hindi, maliliit na bilog-bilog na abo. Hahawakan na sana niya iyon nang naalalang kailangan nga palang nakagwantes kapag nasa crime scene.

"Elle?" narinig niya ang halong gulat at pagtataka sa boses ng Medical Examiner habang hinahalungkat ang bag para sa isang pares ng gwantes.

"Yes-terday once more, Bossing Rich?" Naku, naku, naku, naisip ni Elle. Teka, nag-gwantes naman siya. Naka-foot cover naman. On-time naman. Ano na naman ba ang nagawa niya ngayon? Napangiti siya. Iyon ang pinakamabisang sagot sa pinakamalabong tanong.

"Skirt?" nakita ni Elle na saglit na tumigil sa pagsusuri ng kahon si Rich at tinitigan siya mula ulo hanggang paa.

Nakahinga nang maluwag si Elle, hindi inakalang sa damit lang pala nagulat ang kausap,"Trip ko, Bossing. Bakit ba? Naghahanap nga ako ng red na foot rag para bagay sa malapad kong red belt pero waley."

Naramdaman ni Elle ang mga kamay ni Rich sa kanyang balikat na pinuwersa siyang tumalikod. Naramdaman din niya ang pagsandal sa kanya bago hinawakan siya sa kanyang bumbunan.

"At mas matangkad ka yata sa akin ngayon. Three inch stiletto?"

"Yaaah. Siyempre, hm, Bossing aminin: pangit ang skirt kapag hindi high-heels ang ka-partner."

"Elle," nakita ni Elle na yumuko muli ang Medical Examiner at itinuloy ang pagsusuri ng kahon, "ano ba ang address ng crime scene natin ngayon?"

Gumaya na rin si Elle at sinala ng kanyang mga daliri ang bilog-bilog na abo,"A, knows ko 'yan by heart: 1645 J. Elizalde St., BF Homes, Parañaque, Metro Manila."

"So ang isa sa mga nakatira dito, nasa puso mo pa rin ba?"

"Bossing, why naman bilog-bilog ang mga ito?" itinuro ni Elle ang laman ng kahon na kanina niya pang sinusuri.

"Cat litter 'yan," lihim na napangiti si Elle dahil sa tagumpay ng kanyang pag-iwas sa tanong ni Rich. "Ginagamit ng mga cat-lovers para makaiwas sa amoy ng tae ng pusa. Dalawa ang type ng cat litter: conventional and clumping. Conventional ang itsurang buhangin. Clumping kapag nagkukumpol-kumpol once nabasa siya. Para masagot ang tanong mo, clumping type ng cat litter ito na inilagay sa isang kahon na ang laman ay isang bangkay na kapapatay lang. Most likely, nagkumpol-kumpol 'yan dahil sa dugo na galing sa bangkay."

"Waley akei nasa-sight na chorva. Where na ang DB?"

"Agent Elle Go, sa tuwa mo dahil inakala mong nakaiwas sa tanong ko, hindi mo napansin ang cat litter sa paligid ng kahon kaya hindi mo malaman kung saan ko pinadala ang dead body," tinanggal ni Elle ang ngiti nang makitang tumunghay si Rich at tumayo sa kanyang pagkakayuko. "'Lika," sabi nito at pinalapit si Elle sa body bag na nasa likuran lamang ng Medical Examiner.

Binuksan ni Rich ang zipper ng body bag at nakita ni Elle ang nangingitim na katawan ng isang matandang lalaki. Namukhaan niya ang matanda, napansing mas lumaki ang tiyan nito simula nang huli silang magkita, mas lumaki ang pangangatawan at mas dumami rin ang puti pero nanatiling makapal ang buhok. Duguan ang suot nitong puting pulo at halos maputol ang kurbata.

"May iPod touch, Bossing?"

Tango ang isinagot ni Rich.

Malamig na ang bangkay sa pakiramdam ng mga naka-gwantes na kamay ni Elle. Iniangat niya ang kaliwang braso nito at tinupi ang manggas ng itim na coat. Nakita niya ang pilak na relo ng matanda na basag ang salamin at nakatigil ang mga kamay sa 4:32 at ang petsa nito sa 6.

"Anim na araw nang deds ang thunders?"

"Oo."

Kinapa ni Elle ang polo ng matanda, pati na rin ang kurbata, "Ilang jaksak?"

"Thirty-five."

Hindi na nagtaka si Elle na ang kuhelyo lang ang natirang kulay puti sa polo. Ibinuka niya ang isang butas sa polo, "Bossing, na-sight na ba ang murder weapon?"

"Wala sa kahon," rinig ni Elle na napabuntong hininga si Rich at bahagyang lumakas ang boses, "Pero hayaan mo akong gawin ang trabaho ko dito, mag-interview ka—na kanina mo pang ayaw gawin hindi ko alam kung bakit—para masabi ko kung gaano kahaba at kalaki ang kutsilyo, ano'ng brand, saan gawa at paano ginamit para masabi ko kung paano namatay ang matandang 'yan. Okay?"

"Yes-terday once more, Bossing!" sumaludo pa si Elle kahit kita naman niyang nakatalikod si Rich. Tumuloy siya sa dining room at nakita ang ilang pulis na kausap si Alex.

Tumingin muna si Elle sa manggas ng pulis bago sinabing, "Good morning SP01…" sa nameplate naman siya sumulyap at hinugot n'ya sa bag ang tsapa, "…Martinez. Agent Elle Go, NBI. My superiors and your superiors already talked, you and I will be helping each other throughout this investigation. Nice to meet you by the way."

Pilit pinigilan ni Elle ang ngiti sa nakitang mabilis na halinhinang tingin ng pulis sa nakalahad n'yang kamay at sa hawak kanyang tsapa.

"SP01 Rodolfo Martinez, mam" napansin ni Elle ang mahigpit na hawak ni Martinez nang makipagkamay ito, "Kung gano'n po, kami na po ang..."

"Bahala sa kotse ni Don Macatangay," inunahan na ni Elle sa paghirit ang pulis. "I'll interview the remaining witnesses, call me for updates. Thank you."

Tinalikuran n'ya si Martinez at hinarap si Alex na bigla na lang sinabing, "I thought nag-iba na ang taste mo."

Nagulat si Elle sa ngiti ni Alex.

"He gave you quite a stare, napansin mo ba?"

Napailing si Elle bago sinabing, "Ay, jelly pa rin ang lolo mo?"

"Well," napansin ni Elle na naging isang mahabang guhit ang mga kilay ni Alex pero kita n'ya ang isang dimple nito sa pisngi, "no."

"O Zsa, zsa, Padilla," sabi ni Elle habang hinahanap ang isang bolpen at notepad mula sa kanyang bag, "kesa maging forever akey ditey, magchika-chika na tayo."

Favorite : Story Author   Follow : Story Author

  .    .