Kalamigan

Ilang oras na siguro siyang naglalakad…mga dalawa?  Tatlo?  Nililibot niya ang mga madidilim na kalye ng Quiapo, walang tiyak na pinatutunguhan, walang tiyak na dinadaanang landas ang kanyang mga paa, ang kanyang malungkot at naguguluhang isipan.

Bahagya siyang tumingala, nakita ang namimilugang buwan sa gitna ng itim na kalangitang kakaunti at mahihina ang sinag ng mga nakakalat na bituin.  Ang mga namumuong ulap sa himpapawid ay makapal, mabagal…nagpapaalam ng magiging malakas at malamig na ulan.

Medyo binilisan ni Elena ang kanyang paglakad – ayaw niyang maabutan ng pagbagsak ng mga likidong palaso ng walang-awang ulan.

Lumiko siya ng minsan, makalawa…hawak-hawak ang makintab at mahabang plawta ng dalawang kamay.  Sumilip siya sa likod ng isang kanto at doon ay namataan niya ang kanyang sinadya, ang dahilan kung bakit niya pinasok ang marumi at nakalilitong kalyeng ito.

Ang matanda'y nakaupo sa isang sulok, wari'y nagtatago o nahihiya sa kung sino mang nasa harap nito.  Tahimik ang hangin at ang matanda; walang tinig ang pumupuno sa malamig na katahimikan.

Lumapit siya sa pulubi, marahan at mahinang-mahina ang mga yabag.  Hindi tiyak.  Nagdadalawang-isip.

Nais niyang tumalikod, bumalik sa bahay at tumakbo papalayo, papalayo sa pook na ito bago umulan, at bago malaman ninuman na pumunta siya rito.  At bakit hindi?  Bulag ang matandang pulubi, at hindi pa siya namamalayan nito.  Pwede pa siyang tumakas.

Ngunit hindi siya gumalaw.  Huminga siya ng malalim at pilit inilabas ang mga salitang nais niyang sabihin sa pulubi, nanginginig at sakal ang tinig ng boses.

"Mang Kardo…ang plawta ho ni Kuya…"

Hindi niya natapos ang pangungusap.  Iniabot na lang niya ang plawta, marahang inilagay sa tabi ng nakatiklop na kamay ng matanda.  Ang ulo nito'y tumaasng kaunti, hinahanap ang kanyang tinig.

"Elena?  Ikaw ba iyan?"

"Oho.  Ako ho ito."

Umiling ang ulo ng pulubi, at isang maliit na ngiti ang napamalas sa kulu-kulubot na mukha nito, puno ng mga pasa at linya ng kahirapan ng buhay.

"At ang Kuya Julian mo?  Nasaan siya ngayon?"

Dumuko si Elena at ipinako ang paningin sa maruming kalsada ng kalye.  Naramdaman niya ang mga luhang gustong pumatak, kumakagat sa kanyang namumulang mga mata.

"Wala na ho ang Kuya ko.  Wala na ho."

***

                Maghahating-gabi na, dalawang linggo bago niya ibinigay sa matandang dukha ang plawta ni Julian. 

Pagod na pagod na si Elena sa isang mahabang araw sa paaralan at tambak-tambak na takdang-araling hindi pa niya natatapos  Ngunit hindi siya makatulog.  Nakahiga lang siya sa kama, nakapako ang paningin sa kisame…pinakikinggan ang mga galit at nagtataasang boses galing sa kabilang silid, galing sa sala…

"Bakit ka pa bumalik?  Bakit?"

"Ikaw pa ang naglakas-loob na lumayas noon.  Ano'ng ginagawa mo rito??"

Pataas ng pataas, paulit-ulit, hanggang sa madaling araw ang sigawan sa sala.  Ngunit mga boses lang ng magulang niya ang kanyang narinig…walang kibo ang taong sinisigawan nila.  Kaunting bulong, kaunting sagot lang, bago sisigaw na naman ang kanyang ama o ina, minumura mula ulo hanggang talampakan ang 'bisita'. 

At kahit wala siyang nakita, wala siyang narinig na boses ng lalaking iyon ay alam na niya.  Alam na niya.  Iyon ang Kuya Julian niya, at magkikita silang muli, pagkatapos ng limang taong pagkakahiwalay. 

Laging sinasabi ng mga magulang niya sa kanya:  Ang Kuya mo ay lumayas noong walong taong gulang ka pa lang.  Bata ka pa, ngunit kailangan mong maintindihan…huwag mo sana siyang tularan.  Kalimutan mo siya, at huwag mo sana siyang hanapin o alalahanin.  Balang araw ay mauunawaan mo sana… kung bakit siya nagkaganoon… at ayaw naming iyon ay maulit pa…

At sasabihin naman ni Elena, opo, opo…ngunit marami sana siyang nais itanong.  Maraming hindi maintindihan…maraming nais malaman ngunit hindi yata pwede…  'Di bale.  Balang araw ay malalaman niya rin, hindi ba?  Balang araw ay mapapawi ang kadiliman ng mga lihim at mga sinungaling, ng mga sekreto at iba't-ibang tsismis, at malalaman rin niya kung ano talaga ang nangyari sa Kuya niya.

Ipinikit niya ang mga mata.  Oo, balang araw nga.

***

                "Kilala mo pa ba ako?"

                Hindi sumagot si Elena.  Tinitigan lamang niya ang malaking orasan sa itaas ng TV.  Mag-aalas-otso na ng umaga.  Nakaalis na ang mga magulang niya, hindi babalik hanggang gabi.  Kaya sila lamang dalawa ang nakaupo sa mesa, tahimik at parang nahihiya sa isa't-isa. 

                Inalis niya ang mga mata sa orasan at itinuro sa Kuya niya.  Hindi na niya maalala ang pagmumukha nito, at ang nakatingin sa kanya sa kabilang dulo ng mesa ay wari'y isang estranghero. 

                Ano'ng ginawa mo?, nais niyang itanong.  Bakit ka ikinahihiya ng sarili mong pamilya?

                Ngumiti si Julian, siguro'y alam kung ano ang nasa isip ng nakababata nitong kapatid.  "Hindi na siguro.  Ang tagal kong nawala…pasensya ka na kung medyo…"

                Hindi narinig ni Elena ang karugtong noon.  Hindi rin niya hiningi. 

                "Ang plawta mo?  Tinutugtog mo pa ba?"

                Bigla siyang tumuwid sa pagkaupo, may bagong sinag sa kanina'y antok na mga mata.  Kung mayroon man silang magkatulad, sabi ng ama niya minsan, ay ito ang pag-ibig sa musika at paggawa nito, lalo na sa plawta.  Hanggang doon lang ang alam niya.  Hanggang doon lang sila talagang maituturing na magkapatid.

                Sa totoo lang, araw-araw niyang ineensayo ang instrumentong iyon.  Napakatagal na rin… kung ito talaga ang Kuya niya'y mauunawaan siya nito.

                Ngunit sino ba ito?  Ito ba talaga ang Kuya Julian niya? 

                "Hindi na po", isinungaling niya.  "Matagal ko na po iyon iniwan."

                Ewan niya kung bakit hindi niya maipagsabi ang sarili niya ng totoo…wala naman siyang dapat itago, ah.  Bakit siya pa itong gumagawa ng kwento?

                "Akala ko nga…pero sa iyo na lang rin ito."

                Ngayon lang nakita ni Elena ang plawtang iyon…mahaba, manipis ang anyo ngunit may tanging kintab at kinis.  Ihinaplos niya ang gilid nito…malamig, malamig ang instrumento.

                Malamig.

                Tumayo si Julian at umalis sa silid, papasok sa kwarto niya.  Akala ni Elena'y may kukunin pa ito ngunit hindi na bumalik.  Sampung minuto…labinlimang minuto ang lumipas at hindi pa bumukas ang pinto muli.

                Iyon lang ang unang pag-uusap nila.  Pagkatapos ng ilang taong hindi nakikita ang isa't-isa, iyon lamang ang nasabi nila nang magkita uli.  Tahimik, at napakalamig.

***

                Limang araw ang nakalipas pagkatapos noon, at naroon pa rin si Mang Kardo.

Kilala niya si Elena, at kilala rin siya nito.  Lagi niya itong madadaanan kapag umuuwi galing sa paaralan, kapag siya'y dumadaan sa kalye na kanyang 'shrotcut' papauwi.  Lagi niya itong makikita… matanda na, payat, may tangking lungkot ang mga matang itinakwil sa pusikit na kadiliman.   At lagi niya itong maririnig…maririnig niya ang tunog na galing sa lumang plawtang wari'y nakadikit sa mga labi.

Noong una'y hinuhulugan lang niya ng pera ang basag na baso sa tabi nito, ngunit nang minsa'y kinausap niya.  Nagpakilala.  Nagtanong.  At nagkwento.

At hanggang ngayo'y ginagawa pa niya ito. 

"Mang Kardo…nasaan ho ang plawta ninyo?"

Napangiti ang matanda.  "Nasira na, iha.  Ayaw nang tumugtog."

Ngayon lang nakita ni Elena ang matanda na walang tinutugtog.  Parang may kulang, nay nawawala sa kanyang katauhan. 

"At kumusta ka naman?"

"Mabuti lang ho", ani Elena.  Kahapon pa lang ay isinalaysay niya ang pagbalik ni Julian, at hindi niya alam kung bakit pa niya ginawa ito.  May pakialam ba siya?  Bahala na…

Naramdaman niya ang malamig na simoy ng hangin, at nagpaalam sa matanda.  Tumalikod siya at lumabas sa kalye.  Ang kalangitan ay dumidilim na, ang hangin ay lumalakas at sadya yatang lumalamig…

***

                Natagpuan niya si Julian na mag-isa, nakaupo sa duyan sa may likod ng bahay, nakatulala, nakatingin ngunit walang nakikita. 

                Lumapit si Elena.  "Kakain na po."

                Hindi siya lumingon, ni hindi lang man siya tiningnan. 

                "Susunod ako."

                Kinagat ni Elena ang labi.  Malamig ang boses ng Kuya niya…hindi gaya noong nais siyang kausapin nito.  Hindi gaya noong ibinigay niya ang plawta sa kanya.  Hindi, siya, si Elena, ang naging malamig noon. 

                Nasaktan kaya niya ito?

                "Kuya – "

                "Naiintindihan ko sina Itay.  Kung bakit nila ako ikinagalit, ikinamumuhian hanggang ngayon, at lalo pa nang ako'y bumalik."  Tumigil siya, at lumingon ng bahagya.  "Ikaw…ganoon rin ba ang tingin mo sa akin?"

                Ano nga ang ginawa mo?! nais niyang isigaw.  Bakit ako ang tinatanong mo?!  Paano ko sasaguting iyan kung wala akong alam tungkol sa nangyari sa iyo?!

                Inisip niyang hindi na lang siya kikibo.  Pero baka bumalik ang kalamigan sa Kuya niya, ang kalamigang unti-unting nawawala ngayon. 

                "Hindi…hindi ko po alam…"

                Isang malungkot na ngiti ang nagpakita sa mukha nito, malungkot pero masaya naman ng kaunti.  May inilabas ito sa bulsa niya at ipinakita kay Elena…papel na may lamang…na may lamang…

                Ewan ba niya kung ano talaga ang laman noon. 

                "Eto…eto ang sumira sa buhay ko.  Akala ko'y makatutulonmg siya…yun ang sabi nila.  Pero…"  Tiningnan siya nang mabuti, tinitigan sa mata mismo, bago nagpatuloy.  "Sabihin mong lalayuan mo ito.  Kapag may nag-alok sa iyo, anuman ang ipangako niya, layuan mo ito."

                Sinagot na rin ang tanong niya…

                "Ayaw kong maranasan mo ang ginawa nito sa 'kin…"

                Mainit ang boses, may kahinaan at katahimikan.  Ngunit ang mga salita ay parang sampal, masakit at puno ng pighati, at malamig, taglay ang tuyo at hubad na kalamigan.

***

                Aksidentenng namatay. 

                Drug overdose daw. 

                Wala na raw silang magawa.  

                Nais ni Elenang umiyak paglabas sa morge ng ospital, hindi dahil sa wala siyang alam kundi dahil alam niya ang lahat.  Hindi aksidente ang pagkamatay ng Kuya niya, gaya ng sinabi ng mga doktor.  Hindi iyon aksidente.  Sadya.  Nagpakamatay ang Kuya niya. 

                Naalala niya ang huling usap nila, tatlong araw ang nakalipas.  Naalala niya ang sakit sa boses nito, ang matinding kalungkutan ng taong itinakwil ng lahat, pati ng sariling magulang, ng taong tunay na nag-iisa, nag-iisa sa masamang mundong ito.

                Ayaw kong maranasan mo ang ginawa nito sa 'kin…

                Nag-iisa…

                At doon, sa gitna ng mahabang koridor ng malaking ospital, hawak-hawak ang plawtang ibinigay sa kanya, ang huli at iisang paalala ng kapatid niya, naramdaman niya ang sakit, ang sakit na ipinamalas nito sa kanya. 

At hinayaan niyang tumulo ang mga luha, ang mga luhang gusto niyang pigilin.  Sapagkat ang mga ito'y walang buhay, walang emosyon kundi malamig na kapanglawan, malamig na kapanglawan.

***

                At ngayon…ngayon…

Dumuko si Elena at ipinako ang paningin sa maruming kalsada ng kalye.  Naramdaman niya ang mga luhang gustong pumatak, kumakagat sa kanyang namumulang mga mata.

"Wala na ho ang Kuya ko.  Wala na ho."

                Tinalikuran niya ang matanda at lumakad papalayo, papalayo sa pook na ito.  Pauwi. 

                Narinig niya.  Narinig niya ang tunog na plawta ng Kuya niya…ang hangin sa labi ng matanda, ang mga butas ng kahoy na tinatakpan ng mga butuhang daliri, at ang musika, ang tugtog ng plawtang hindi lang man niya sinubukan…

                Napakaganda pala…napakalamig ngunit napakaganda…

                Sandaling tumigil ang tugtog.

                "Mabuting tao ang Kuya mo, Elena" tahimik na sinabi ng matanda.  "Anuman ang sasabihin ng sinuman sa iyo, alam ko ang totoo.  Mabuting tao siya.  Naging sadyang malupit lang ang tadhana sa kanya."

                Hindi nakasalita si Elena.  Basa ang mukha niya, at ang mga mata'y maanghang, namumuo sa mga luhang pumapatak. 

                Alam na niya.  Hindi ang mga magulang ang binalikan ni Julian.  Hindi ang siyudad, o ang mga kaibigang kinalimutan na siya. 

                Siya ang binalikan nito.  Siya ang binalikan, upang hindi lakarin ang landas na nilakaran niya, upang hindi maulit ang nakaraan. 

                Pumatak ang ulan, ngunit wala siyang pakialam.  Tumakbo siya papauwi, basa ng mga luha ng mata at himpapawid, nagmamadali at giniginaw, sapagkat ang ulan ay malamig, malamig…

***