Luha ng Karimlan

Ang buhay ng mga anino ng nakaraan na ang adhikai't mga lihim ay sadyang di mayakap ng mga pusong nangungalila ay muling nangako ng kasawian sa isang hangal na nangahas umibig.

Nagiisa at nagbibilang ng pilat ng kahapon na hindi na nahinto sa pagdating, nqa bawat dagok ng tadhana na ang paghinga mo'y ginawang pugad ng pagluluksa ay kasama ko sa aking dalita.

Pasakit man ang patuloy mong idinudulot pag-ibig ko'y di matatapos sa takip silim o humahantong sa bukang liwayway. At sa bawat perlas ng pighating aking hinahagkan, karimlan ay muling pumabisig, isang halik ng hinagpis, yakap ng aba, nananalaytay sa 'king dugo ang tahimik na sigaw ng ating pagsuyo. At makaniig man kita'y di tayo dapat magtagal at ating ang pag-ibig na mamaya'y wala nang bakas...tila hangin na sadyang humaplos lamang sandali at di na kailanmang magbabalik...hindi na dapat magbalik.

Ikaw man ang pakaibigin ko sa habang panahon, na kahit sa iyong paglisan ay nariyan pa rin, pinalilibutan tayo ng mga rehas ng pagkakataon at nangungulila ma'y di na kailanman lilingunin.

At sa sandaling ikaw na ay lumisan at ako na'y tatalikuran; ang tamis at pait ng pag-ibig mo'y papatak na sa lupa na ako...at pamamaalam lamang ang tanging nakalaan, giliw, ang hagupit ng tadhanang luhaan.

Paalam na minamahal, ang ngalan mo'y halik sa aking mga labi. Nakaukit sa aking ala-ala, nakatatak sa 'king gunita, kailan man sa aking wari...ang pag-ibig nating Luha ng Karimlan...