Kulay Abong Mundo

Tila ibang mundo ang aking pinapasok tuwing ako'y dumarayo sa sementeryo. Nawawala ang lahat ng kulay ng mundo, kumukupas at nagiging kulay abo.

Makulimlim ang langit; ang araw, nagtatago sa itaas ng mga nagluluksang ulap. Itinulak ko ang nangangalawang na tarangkahang nababalutan ng maraming sapot ng gagamba. Maingay itong umungol at binasag ang katahimikan ng lugar. Hinawi ko ang mga sapot at tumungo sa isang liblib na daang tungo sa puntod ng aking lolo.

Tinanaw ko ang malaking patag ng kamatayan na tadtad ng mga mala-kabuteng edipisyong semento. Tinahak ko ang madamong daan na ito; ang kulay-mais na mga damo, parang mga langgam na kumakagat sa aking mga binti. Malapit sa puntod, may isang matandang puno ng acacia na ngayo'y naglalagas na ang mga dahon. Magpapasko na nga naman.

Inalis ko ang alikabok na naipon sa puntod. Malamig at magaspang ang semento sa aking mga daliri. Matagal-tagal na rin nang huli ko itong mahawakan. Dahan-dahan kong dinaanan ang mga letrang nakaukit sa kanyang puntod.

Hindi ka makakalimutan…

Kupas na ang litratong nakalagay sa kanyang puntod, ang kanyang masiyahing mukha'y tila naglaho na rin. And kanyang mga mata na dati'y puno ng pag-asa't pangarap ay tila mga bato, wala na ang kislap sa kanyang mga mata. Habang pinagmamadan ko ang walang kabuhay-buhay na puntod, bumamalik sa aking isip ang mga masasayang araw na aming pinagsamahan. Napabuntong-hininga ako at napatingin sa mga tumutubong halaman sa paligid. Hindi ko inakalang may ganitong uri ng halaman dito. Sa gitna ng mundong ito, may makukulay ding bagay na tumutubo. Kamatayan. Buhay. Tila isang naghalong mundo ng kalungkutan at ligaya sa tuwing bumabalik ang mga alaala, sa tuwing pinapasok ang kulay abong mundo.