Sa Kumpas ng Ulan

Tugtugin na ang gitara at tambol

at ang mikropono'y hawakan na

Itodo mo na ang pag-awit

at itaas mo pa ang iyong tinig

sa kumpas ng ulan!

Magsitakbuhan man ang mga manonood

ngunit tiyak may nakikinig sa iyo

Tignan mo nga't langit ay lumuluha

kaya't ituloy mo lang ang kanta

sa kumpas ng ulan!

Hindi mo ba alam

ulan ang ibinigay na katugunan

sa awit mong alay sa ating bayan?

Kaya't ituloy mo lang

sa kumpas ng ulan!