ANG KAHON NI PANDORA

Kabanata 1: Ang Pagkatuklas

Hinila ni Madam Fe ang pinakaibabang drawer ng cabinet sa sala at inamoy ang loob nito. Naalala niyang nilagyan niya ng naptalina ang mga ito isang buwan ang nakararaan. kaya hindi masansang ang amoy. May isang oras na siyang pabuklat-buklat ng mga estante, kabinet at mga kahon sa pag-asang mailabas ang bagay na pinanggagalingan ng amoy. Baka mamaya'y magising pa ang mga señorito at masermonan siya nang wala sa oras.

Itinulak pabalik ni Madam Fe ang drawer, napabuntong hininga bago umubo. Masama ito, naisip niya. Baka magkasakit pa silang lahat kapag hindi nakita kaagad ang lintik na mabahong iyon.

"Nasumpungan mo ga?" tanong ni Madam kay Mang Boy na napadaan sa sala at mukhang papunta sa pintuan.

Napahinto sa lakad ang lalaki, "Hindi ho, madam. Pwede ho bang lumabas sandali?" Bumahin siya at pinahiran ang kanyang ilong, "Tantiya ko ho'y magkakasipon ako kakasilip sa maalikabok na kahon sa atik."

Tango na lamang ang naisagot ni Madam. Nabawasan na naman siya ng mga maghahanap. Kanina'y nagpaalam si Elena at mamamalengke daw. Si Tina naman daw ay maglalaba. At ngayon, ang drayber naman ang sumuko.

Napailing na lamang si Madam Fe at napaisip.. A, lintik na kung ano mang mabaho iyan, sabi ni Madam sa sarili, makita lamang iyan, tunay namang titirisin hanggang hindi na makaperwisyo pa.

Yumuko si Madam at sinilip ang ilalim ng estante ng mga porselanang pinggan. Inaninag ng flashlight ang kakarampot na espasyo at sinuri ang magkabilang dulo kung naroon nga ang lintik na mabahong bagay. Wala. Alikabok—at makapal na alikabok—lamang ang kanyang naaninag. Sinikap ni Madam Fe na tandaang kailangang maipalinis ito.

Tumayo si Madam at yumukong muli upang ipagpag ang pantalon. Noon niya napansin na mayroong pares ng itim na sapatos at itim na pantalon kanyang kanan.

Binati niya ang amo, "Magandang umaga po, Ser Alex."

"Mas magiging good ang morning, Madam Fe, kung mawawala ang mabahong amoy," napansin ni Madam na nakakunot ang noo ng amo. Nakapamay-awang pa.

"Hinahanap na po namin, Sir."

"Well, bilisan n'yo nang konti. May na-invite na kong associates for breakfast today. Nakakahiya naman kung ang amoy ang babati sa kanila."

"Opo, ser," ramdam ni Madam Fe na tumalikod na ang amo at narinig niya ang pag-akyat nito sa hagdanan. Hindi pa man nakakausad sa panibagong estante, kabinet o kahon na hahanapan ng mabahong amoy, narinig niya ang pagtawag ng binatang amo.

"Madam, na-check n'yo na po ba 'yung box na 'yon?" nasa tuktok na ng hagdanan ang señorito. Itinuturo niya ang isang bagay.

Sinundan ni Madam Fe ang daliri ng kanyang Ser Alex. Tinutukoy niya ang balikbayan box na nasa ilalim ng lamesita malapit sa pintuan. Nakasulat sa gilid nito ang address ng bahay na pinagtatrabahuhan at ang dapat tatanggap na si Don Edgardo Macatangay. Sansaglit na natigilan si Madam. Naalala niya kung kanino ito galing at kung bakit ito ipinadala.

"Hindi pa po, ser," halos hindi mailabas ni Madam ang boses na lubhang kailangan kaya't sinabayan niya ito ng iling upang maintidihan ng amo na nasa itaas pa rin ng hagdanan.

"Bakit hindi n'yo buksan?" rinig ni Madam Fe ang biglaang taas sa boses ng kanyang amo.

Ramdam ni Madam Fe ang panlalamig ng kanyang kamay. Kung nanggaling ito kay Don Edgardo isa lamang ang ibig sabihin nito: papauwi na ang haligi ng tahanan. Pero kailan nga ba dumating ang kahon? Kahapon? Hindi, noong isang araw pa, pagkasimba niya dahil pista ng Imaculada Concepcion. Susmaryosep, naisip ni Madam, may tatlong araw na pala ang kahon nang hindi nagagalaw! Hindi kaya pagkain ang laman nito?

"Ay naku ser, sa Daddy ninyo po iyang kahon. Huwag po nating galawin at baka magalit siya," sinikap panatilihin ni Madam Fe na mababa pero malinaw ang kanyang boses sapagkat humahangos ang pag-aalala sa diwa ni Madam. Kung noong Huwebes pa naroon ang kahon, bakit wala pa si Don Edgardo?

"So? Wala naman ang Daddy, baka naman pwede nang buksan 'yan? Parang d'yan galing ang amoy," bumababa na ng hagdanan si Ser Alex.

Naku mahabaging langit, naisip ni Madam Fe, ano ba ang dapat niyang sabihin para hindi magalaw ang kahon? Baka maya-maya nagbabantay lamang pala ang Don mula kung saan at lalabas nang hindi inaasahan kapag napilit siya ni Ser Alex na buksan ang kahon. Kapag ganoo'y baka mawalan siya ng trabaho. Paano na lang si Faye? Paano niya bubuhayin ang anak?

Tila dininig ng Diyos ang kanyang panalangin. Narinig ni Madam ang pagbukas ng isang kwarto at ang pagtatanong ng isa pang lalaki, "What seems to be the problem, Kuya Alex? Oh God—" lumabas ang lalaki na nakasuot pa ng pajama at hindi nasuklayang buhok. Tinakpan niya ang kanyang ilong, "No need to explain, Kuya."

"Ser, iyan ho ang kahon ng gamit ng Daddy ninyo galing Beijing. Noong isang araw ho iyan na-deliver, baka ho mamaya dumating ang Daddy ninyo at magalit kasi binuksan ho ang kahon niya," nakita ni Madam Fe na bumaba na rin ang ikalawang lalaki nang walang suot na sapin sa paa.

"Ser Collin, malamig ho ang sahig. Tsinelas po ninyo," dinampot ni Madam Fe ang isang pares ng itim na kipit sa likod ng pintuan at inilagay ito sa paanan ng ikalawang lalaki.

"Thanks, Madam. Good morning, by the way," ibinulong na lamang ni Ser Collin ang kanyang pagbati.

"Collin, buksan mo nga ang box," rinig ni Madam Fe ang mas lumalakas na boses ni Ser Alex.

Bago pa man makasagot si Ser Collin, humangos palapit sa kahon si Madam at sinabing, "Ser pagpasensyahan ninyo na po. Sa tagal ko na po dito sa mansyon, alam ko pong magagalit ang Daddy ninyo oras na buksan natin iyang kahon. Kaya ako na po ang nakikiusap, huwag na po nating galawin iyan."

"Bakit nga ba gusto mong pabuksan, Kuya Alex?" malumanay ang boses na iyon at sa pagbaling ng tingin ni Madam Fe sa magkakapatid, naroon ang bunsong si Ser Mark. Nag-antanda pa ito at may hawak na rosaryo. Napansin ni Madam na napangiwi lamang ito nang kaunti at huminga nang malalim.

"May mga bisita akong darating later, Mark, that's why," tinanggal ni Ser Alex ang mga kamay sa baywang at naghalukipkip. Alingawngaw na lamang ang kulang sa boses nito at rinig ni Madam Fe ang matalas na hiningang pinakawalan pagkatapos niyang magsalita.

"Gaano ba kaaga, Kuya?" kita ni Madam na ibinulsa ni Mark ang rosaryo.

"Breakfast, ganoon kaaga."

"In that case," sabi ni Ser Collin na noo'y nagtaas pa ng kamay, " I suggest you open the box, Mark."

Nakita ni Madam Fe na napairap si Mark sa nakatatandang kapatid.

"Kuya Collin, mas matanda ka sa akin. Ikaw ang mas dapat—"

"Basta buksan mo na ang box, Mark!" iyon ang sigaw ni Ser Alex na sa tantiya ni Madam Fe ay kanina pa nitong pinipigilan.

At sa narinig na iyon ni Madam, lumayo siya sa kahong kanina pang sinasanggahan. Sumaglit siya sa kusina upang kumuha ng kutsilyo. Pinili niya iyong karaniwan niyang gamit kung hihiwain nang manipis ang karne ng isda.

Bumalik si Madam sa sala at inabutan ang magkakapatid na nakabilog sa kahon. Iniabot niya ang kutsilyo kay Ser Collin at pinagmasdan habang binutas nito ang tape sa magkabilang gilid at hinatak ang mga takip ng kahon.

Napatili si Madam Fe sa nakitang kamay ng tao sa loob ng kahon. Naramdaman niyang nanlambot ang ang kanyang mga tuhod at bumigat ang kanyang dibdib. Narinig niya ang ilang boses ng lalaki na tinatawag ang kanyang pangalan. May isa pang humihingi ng tubig. Pahina nang pahina ang mga boses bago naging mga ugong na lamang sa kanyang pandinig at unti-unting nilamon ng dilim ang kanyang paningin.