Luntiang Buhay

Ang buhay ng tao'y parang punongkahoy
Dahon ng pag-asa'y kusang sumisibol
Lumalago sa tamang pagkakataon
Ngunit nalalaglag sa takdang panahon

Nagiging luntian pagsikat ng araw
Saya'y nawawala 'pag bagyo'y dumaan
Tulad ng buhay kung may kaligayahan
Mayroon din itong mga kasawian

Sa unos ng buhay 'di makakatakas
Kapag may sigalot kabigua'y bakas
Malagong pag-asa pilit malalagas
Pagdaan ng hanging malupit, malakas

Ngunit muling sumisikat ang ligaya
Mas tumatatag mula sa pagkatumba
Dahong pag-asa'y muling sumisigla
Ang pagiging lanta biglang nawawala

Kung ang buhay ng tao'y naging matamlay
Ito ay muli ring nagiging makulay
Parang dahon, sa taglagas namamatay
Ngunit sa tagsibol muling nabubuhay.