Buhay Ay Ganyan

Sadya nga yatang mahirap makuro ang kapalaran ng tao. May mga dumarating sa iyong buhay ng hindi mo inaasahan. Ni hindi matatapunan ng pansin, mababalewala sa pakiwaring ito'y walang katuturuan. Subalit panahon na rin ang magtuturo sa iyo sa tunay nitong kahulugan. Sa gayon ay iyong mapagtatanto na ito'y may kabuluhan sa iyong buhay at magagawa mong ito'y pahalagahan. Hanggang sa muli kang subukan ng iyong tadhana. Ang lahat ay magbabago, hindi mo man ito kagustuhan. Magigising ka na lamang isang araw na ang lahat ng mga bagay na kinasayan mo ay tuluyan nang naglaho. Maging ang mga tao sa paligid mo ay hindi na tulad ng dati. Mabubuksan na lamang sa iyong diwa na ang iyong mundo ay ibang iba na.
Mahirap talagang tanggapin ang mga pagbabago sa buhay ng tao kung minsan. Lalo na't naging masaya ka na nang husto sa dati mong mundo at sa mga taong nakasama mo rito. Bakit nga ba kung kailan ang buhay na iyon ay iyo nang nagustuhan ay doon pa hihilingin ng tadhana na ito'y iyong iwan. Mabigat man sa iyong loob ngunit kailangan. Kung magagawa mo lamang sana na hatakin ang oras, kung posible lamang na patigilin ang mundo sa pag-ikot nito manatili lamang ang lahat sa dati, gagawin mo. Ngunit paano? Gayong alam mong ito'y hindi maaaring mangyari.
Siguro nga kailangan mong sumabay sa agos ng buhay. Masakit man, kailangan mong tanggapin na ang nakaraan ay nakaraan na. Hindi mo man maibabalik ang mga bagay na lumipas na, ang masasayang alaala nito kailanma'y hindi maglalaho. Hindi ka man maaaring manatili rito habangbuhay, maaari mo pa ring baunin ang iyong mga karanasan upang harapin ang bago mong mundo.
Ang mahalaga ay ang kasakuluyan. Ito ang kailangan mong harapin. Ito ang kailangan mong intindihin at pagtuunan ng pansin. Dahil narito ang iyong buhay, ang iyong mundo.
Malay mo, sa pagharap mo sa kasalukuyan ay isang buhay na higit pa sa iyong inaasahan ang naghihintay sa iyo. Isang walang katumbas na regalo na maaari mong makamit sa hinaharap. Sino nga bang nakakaalam.