Isa akong inggitero. Kinaiinggitan ko ang mga batang pinapanood ko ngayon na naglalaro ng patintero habang nakaupo sa isang malaking bato. Hindi kasi nila ako madalas ayain. Kapag sinusubukan ko namang sumali ay sinasabi ng lahat na mamaya na raw. Sabi ng iba, isa raw akong lampa. Tinatawag din akong sintu-sinto ng ilan dahil malaki raw ang ulo ko. May mga bata at matatanda na binigyan ako ng palayaw na Monggoloid.

Ang totoo kong palayaw ay "Tupeng", na galing sa Christopher. Hindi ko maunawaan kung bakit nakaugalian na talaga ng mga magulang ang ganitong mga palayaw. Napakaganda naman ng pangalan ko ngunit sadya nila itong pinapapangit. Ang pangalan ng kapatid kong babae ay Verna ngunit ang palayaw naman niya ay Biring. Ang pinsan ko namang si Ruby ay may palayaw na Bingbing. Si Carlo na aming kapitbahay at kababata ay may palayaw namang Kallung.

Kung minsan, naiinggit ako sa mga alaga naming mga pusa at aso dahil mabuti pa sila ay matitino at sosyal ang pangalan. May Charlie, may Jackie, may Jet Li, may Lucy, may Cornetto, may Orange at kung anu-ano pang sopistikadong pangalan.

Pero sa isang banda, wala na rin naman kaming magagawa kahit magreklamo kami sa aming mga palayaw sapagkat iyon ang ibinigay sa amin ng aming mga magulang. Legacy kumbaga. Isa ito sa mga pamana na hindi mawawala kahit gaano katagal. Isa pa, mas masarap pa ring pakinggan ang Tupeng kaysa Monggoloid.

Katulad na lamang ngayon, ang sarap pakinggan ng palayaw kong Tupeng habang inaaya na akong makipaglaro.

"Bakit anlaki ng ulo mo?" tanong sa akin ng isang bantay bilang panlinlang. Agad ko namang naiwasan ang kanyang mahahabang mga kamay at tumakbo papalagpas sa linyang binabantayan niya.

"Bakit ang bilis mo? Hindi ba mabigat 'yang hydrocephalus mo?" tanong naman ng sumunod. Hindi ko ito pinansin. Siya ang aking naisahan dahil napeke ko siya ng aking hakbang. Kumaripas naman ako ng takbo sa susunod na kuwadrado.

Ito namang sumunod ay hindi nagsasalita. Bagkos ay dumidila lang siya bilang pang-inis. Ngunit sa rami ng nang-iinis sa akin, hindi na ito umuubra. Lumingon ako kunwari sa ibang direksiyon at agad din siyang tumingin doon. Pagkalingon niya ay agad akong tumakbo nang hindi niya namamalayan.

Natapos ang laro na hindi natalo ang aming grupo at hindi man lang ako nahawakan. Subalit hindi iyon matanggap ng aming mga kalaban, kaya't panay ang kutya nila sa amin. Ang ilan sa mga kasama ko ay sumagot ng kutya hanggang sa may nagsuntukan na. Ako naman ay hindi gumaganti ng kutya at agad tumakbo mula sa gulo.

Turo sa akin ng aking mga magulang na huwag maging mapaghiganti. Huwag ko na raw pansinin ang mga sinasabi ng iba tungkol sa akin. Huwag din daw akong makipag-away. Ang pag-iwas daw sa gulo ay hindi nangangahulugang isa akong duwag.

Gayunpaman, may mga gulo talagang hindi maiiwasan. Kagaya na lamang nitong asong nasa harap ko ngayon na tahol nang tahol. Habang papalapit ito ng takbo ay tumakbo rin ako papalapit.

Kagaya ng ginagawa ko kapag naglalaro kami ng luksong baka, bigla akong lumundag ng pagkataas-taas upang malagpasan ang pandak na aso. Pagkatapos ay hindi na ako lumingon at kumaripas ng takbo hangga't hindi ko na naririnig ang tahol nito.

Nang malapit na ako sa aming bahay ay saka ako tumigil sa pagtakbo at naglakad na lamang. Napansin kong pigtas na ang aking tsinelas.

Pagdating ko ay agad akong nagmano kay Lola at Tatay saka ako kumuha ng alambre at bato. Gamit ang mga ito ay sinubukan kong tahiin ang aking tsinelas.

Turo sa akin ni Lola na maging matipid at maingat sa aking mga gamit. Ang maaari pang ayusin ay ayusin na muna sa halip na palitan agad at bumili ng bago. Kahit pa sabihing may pinagkukuhanan kami dahil nasa ibang bansa si Mama at si Tatay naman ay may malawak na bukirin, tinuruan pa rin kami na huwag maging maluho sa mga bagay.

Kung may ilan man akong luho, iyon ay ang mga medalyang nakasabit sa dingding ng aming simpleng bahay. Isa kasi akong honor student at madalas isinasalang sa mga paligsahan na akin namang ipinapanalo.

Gayunpaman, pangaral din ni Lola na huwag daw malaki ang ulo ko at huwag ipagyabang ang mga ito kaya't natuto akong maging mapagkumbaba. Binibiro ko na lang si Lola minsan na malaki naman talaga ang aking ulo.

Bilang isang panganay, sinisikap kong maging isang masunuring anak at magandang ehemplo sa aking mga kapatid.

Nagtapos ako sa elementarya bilang second honor. Mas marami ang medals at certificate ko kaysa sa aming valedictorian subalit hindi ko pa rin mapigilang mainggit.

Magmula nang naghayskul ako, tumigil na ako sa aking pakikipaglaro sa aming mga kababata. Ngunit hindi pa rin nawala ang mga pagkakataon na ginagamit ko ang liksi ng aking mga paa. Ito lamang ang tangi kong inaasahan sa tuwing nakikipagpatintero ako sa mga sasakyan, sa mga mandurugas, at sa tuwing iiwasan kong maging late sa klase.

Sa mga panahong ito, tinubuan ako ng pagkarami-raming tigyawat mula pisngi hanggang tiyan. Mula sa palayaw na Mongoloid ay nagkaroon ako ng panibagong palayaw. Ngayon ay ako naman si Burtong.

Hindi nagtagal, napilitan na rin akong makisama at makipagkaibigan. Nahilig ako sa mga paligsahan. Ang madalas na pagba-volleyball at pagpapapawis ang naging dahilan kaya't kuminis ang aking balat. Lumaki rin ang aking katawan kalaunan. Doon ko nadiskubre na mula pagkabata, hindi naman pala talaga malaki ang aking ulo. Sadyang isa lamang akong payatot. Ang tanging hinaing ko lamang ay kung bakit hindi na ako tumangkad nang husto. Kaya't palagi na lamang akong naiinggit sa mga kaklase kong matatangkad na naglalaro ng basketball.

JS Prom noong nagbago nang tuluyan ang aking pakiramdam. Hindi ko maintindihan kung bakit inggit na inggit ako sa aming promenade queen. Dahil marahil sa napakaganda niya. O dahil napakaguwapo ng prom king niya. Alinman sa dalawa, alam kong may iba sa akin. Parang may mali.

Pangaral palagi ni Lola na maging tapat sa lahat ng oras. Kaya naman isang gabi, nagpakalalaki ako at ipanagtapat ko sa kanilang lahat na may puso akong babae.

Akala ko, kapag tapat ka, magiging ayos ang lahat. Subalit ang pagtatapat kong iyon ang naging lamat sa relasyon namin ng aking Tatay. Kaya naman, ni minsan ay hindi ko pinakawalan ang paru-parong nagkukubli sa aking likuran.

Itinuon ko sa pag-aaral ang lahat. Hindi ako kumikibo kapag tinutukso ako sa mga babaeng umaaligid sa akin. Hindi ko sila lahat pinansin. Katunayan, ito ang mga panahon na wala akong masyadong nilalapitan. Nalayo na rin ako sa aking mga naunang kaibigan.

Kahit na hindi kami magkaayos ni Tatay ay naging mabuti pa rin akong anak at ehemplo sa aking mga kapatid. Natuto akong magtimpi at maging martir. Bukod naman sa pagiging isang silahis ay wala naman siyang ibang maibabato sa akin. Iyon ang tangi kong ipinagtatampo sa aking ama.

Dumating ang panahon na nawalan na ako ng ganang magpatuloy pa sa pagiging excellent student. Hanggang sa dumating ang graduation at nauwi ako sa pagiging third honor. Labis akong nainggit sa dalawang kaklase ko na nakalalamang sa akin. Hindi dahil mas mataas ang naging grado nila. Kung 'di dahil naroon ang mga magulang nila para ipagmalaki sila. Hindi dumating ang Tatay noon upang isabit ang aking mga medalya. Hindi rin umuwi ng bansa si Mama. Si Lola naman ay nagkasakit kaya't inalagaan ng aking mga kapatid. Itinago ko na lamang sa isang napakaluwang na ngiti ang aking kalungkutan. Isang ngiting hanggang ngayon ay gamit-gamit ko pa rin bilang profile picture sa aking mga social media accounts.

Hindi na ako sinuportahang magkolehiyo ng aking mga magulang. Sabi ng Tatay, hindi na raw nila kakayanin ang gastos. Ngunit ramdam ko rin na hindi talaga iyon ang dahilan.

Sinubukan kong maging isang working student upang makakuha ng scholarship at kahit papaano ay nairaos naman ang aking unang taon sa kolehiyo. Kung saan-saan na ako kumuha ng tulong mula noon. Kinapalan ko ang aking mukha. Sa mga politiko. Sa mga pilantropo. Kumuha rin ako ng academic scholarship. Hanggang sa sumali ulit ako sa sports at nagkaroon ng scholarship mula roon.

Nagtapos ako sa kursong BSIT. Gustong gusto ko kasi talaga ang pakiramdam kapag tinadtad ng aking mga daliri ang bawat letra sa keyboard. Ngunit hindi ako nagkaroon ng trabaho na may kinalaman sa aking kurso. Kaya inggit na inggit ako sa aking mga kasabay grumadweyt na napadpad sa mga opisina ng naglalakihang mga kumpanya.

Nauwi ako sa pagiging isang designer ng mga damit. Kahit papaano, dito ko nahanap at naipapakita ang aking sarili. Sa bawat linya, sa bawat guhit, naibubuhos ko ang aking mga damdamin.

Hindi na ako si Tupeng ngayon. Hindi na rin ako isang Monggoloid, o isang Burtong. Ako na lang ngayon si Christopher, isang aspiring designer.

Hanggang ngayon, isa pa rin akong inggitero. Subalit sa takdang panahon, pasasaan ba't ako na rin ang kaiinggitan ng iba.

Upang mangyari iyon, ang kailangan ko lamang gawin ay magsumikap. Aalalahanin ko ang mga pangaral ng aking mga magulang.

Susundin ko nang matuwid ang mga linyang iginuhit nila, habang iginuguhit ko sa aking palad ang sarili kong tadhana.