Mayroon akong ikukuwento

Alam ko

Hindi na ito bago

Sa mga pandinig ninyo

Ayos lamang kahit hindi pakinggan ito

Nang kahit na sino

Wala ng pakialam ako

Tutal naman kasalanan ko rin ito

Kung hindi ko pinairal ang katangahan ko

Hindi sana mapupunta sa iba ang babaeng minahal ko

Kung hindi ba naman ako naging isang gago

Sapagkat pinakawalan ko

Ang kaisa-isang babaeng minahal ko

Bukod sa nanay ko

Sapagkat natakot aminin

Sa kanya ako ay may lihim na pagtingin

Dahil hindi ko kakayanin

Ang lumayo siya sa akin

Kapag nalaman niya ang tunay kong damdamin

Pinagtagpo ang mga landas namin dalawa

Nang mapagbirong tadhana

Sa unang pagtatagpo o pagkikita

Walang kahulugan siya

Magkaibang-magkaiba

Ang mga ugali naming dalawa

Sa una ay naging aso't pusa pa

Sa tuwing kami ay magkikita

Pero sa katagalan

Mga kalooban namin ay nagkapalagayan

Hanggang sa ang turingan

Sa isa't-isa ay matalik ng magkaibigan

At aking napatunayan

Na totoo ang ating pagkakaibigan

Dahil kahit sino man sa ating dalawa

Ang magkaroon ng problema

Dinadamayan natin ang bawat isa

Hindi nawawalan ng oras para sa isa't-isa

Kapag ang pakiramdam ay nag-iisa o may pangamba

Maging sa kalokohan

Hindi tayo nauubusan

Hindi pahuhuli at kung minsan ay paligsahan

Tayo ay magkakampi pang pinagtitripan

Ang iba pa natin mga kaibigan

Kaya kapag nabuking na nila

Sabay tayong pinagtataguan sila

Kapag nakikita kitang masaya

Kuntento na akong pinagmamasdan ka

Ayaw ko man aminin ngunit napapangiti mo ako

Kahit corney para sa akin ang mga jokes mo

Ngunit hindi ko ipinapakita sa iyo

Na nangingiti rin ako

Dahil baka tuksuhin mo lang ako

Kapag malungkot ka

Hindi mo man ito ipakita

Ramdam ko ito at ako ay apektado talaga

Kapag may gustong manakit sa iyong iba

Hindi ko maiwasan na magalit sa kanila

Kung papayag ka nga lang uupakan ko sila

Pero pinipigilan mo ako

Dahil ayaw mong mapahamak ako

At kaya mong ipagtanggol ang sarili mo

Ako naman bilang kaibigan mo

Gagawin ko ang lahat o kahit ano

Upang kahit kaunti ay maibsan ang kalungkutan mo

Kahit pa nga iniiwasan na bigyan ng alalahanin ang isa't-isa

Hindi maitatangging lakas natin ang bawat isa

Kahit sikreto ng bawat isa

Walang nakakaalam na iba

Kami lang dalawa

Palaging tapat at walang lihiman

Nangako rin sa isa't-isa na walang iwanan

Kahit hanggang katandaan

Palagi tayong magkasama

Kahit saan man mapunta

Tinutukso na nga tayo ng iba

Dahil para na tayong mag-asawa

Ngunit sa atin ay walang malisya

Matimbang ang pagkakaibigan

Kahit may mga gustong sumira sa maganda natin samahan

Dahil walang puwedeng tumibag sa matibay nating samahan

Bilang matalik na magkaibigan

At katulad ng magkapatid ang turingan

Ngunit hindi ko inakala

Mag-iiba ang pagtingin ko sa iyo sinta

Bakit kaya habang tumatagal ang ating pagsasama?

Kapag nakikita ka at nakakasama

Tila nagiiba na ang pakiramdam ko kahit kausap lang kita

Bigla na lang mauutal ako

Kahit hindi naman ako

Dating ganito sa iyo

Bumibilis ang tibok ng puso ko

Kahit hindi naman tumatakbo

Sa aking mga mata

Lalo kang gumaganda

Ang iyong pagsasalita

Musika na sa aking tenga

Kahit sintunado ka pa

Kapag kumakanta ka

Sa akin ayos lang talaga

Minsan kapag ikaw na ang kaharap

Ako ay biglang mangangarap

Na tayo lang dalawa ang magkasama

Habang yakap-yakap kita

Sa mundong ako lang ang nakakakita

Kapag nagsasalita ka

Ako ay napapatingin sa labi mong mapula

Kulang na lang mahalikan kita

Pero alam kong mali itong kakaibang nadarama ko

Dahil kaibigan mo ako

Natutulala kapag napatingin na

Sa nangungusap mong mga mata

Kapag kaharap ka na

Bigla ka nagbiro

Tinatanong mo ako

Nasa Earth pa ba ako?

Sapagkat lumilipad na itong isipan ko

Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito

Kapag ikaw ang kaharap ko

Ang alam ko lang masaya ako

Kapag ikaw ang kapiling ko

Mabuti na lamang hindi mo nahahalata

Kung nagkataon malamang ako ay hiyang-hiya

Dahil mayroon ng naiiba sa aking ginagawa

At mabuti na lamang

Maalam akong magmaskara ng tunay kong nararamdaman

Kagaya ng nakasanayan

Aasarin kita upang mabaling ang atensyon mo sa iba

At kapag nakikita na kitang ngumiti o tumawa

Ako ay kuntento na at masaya

Na ganito tayong dalawa

Ngiti mo man o maging ang iyong pagtawa

Hindi nakakasawa

Kahit araw-araw ko pa

Ito ay naririnig o nakikita

Gumaganda bawat araw ko sa tuwing kasama ka

Parang hindi ko na nga gustong pakawalan ka pa

Sapagkat hindi sanay na hindi ka makasama

Hindi ko alam, bakit nga ba?

Walang araw na hindi ka sumasagi sa isipan ko

Maging sa pagtulog ko

Tuwing gabi napapanaginipan na kita

At sa umaga ay hanap-hanap ka

Kahit madalas naman tayo ay magkita o magkasama

Umalis ka lang sandali

Hindi na mapatali

Palaging hanap-hanap nitong aking mga mata

Ang mainit mong presensya

Kahit inaasar kita

At kung minsan ay napipikon ka na

Pero kapag nakikita ko na

Na hindi ka naman naaasar talaga

At napapangiti ka pa

Napapangiti mo akong bigla

Kahit hindi ko masyadong ipinapakita ito sa iba

Ikaw lang talaga ang nakakagawa

Dahil para sa akin naiiba ka

Sa lahat ng mga babaeng aking nakita o nakilala

Hindi ko alam kung kailan ito nagsimula

Bakit ito ay nadarama?

Pero ang tanging alam ko

Nagkabuhay ang malamlam kong mundo

Simula ng makilala ko

Ang isang katulad mo

Kung puwede lang dito ka na habambuhay sa mga bisig ko

Mamahalin ka at poprotektahan ko

Sa mga nais manakit sa iyo

Hindi ka iiwan kapag kailangan mo ako

Hindi tatangkain saktan ang damdamin mo

Kahit hindi ako sigurado

Kung pareho ang nararamdaman mo

Sa nararamdaman ko para sa iyo

Marahil mahal na kita

Kahit noon pa

Hindi ko lang agad ito nakita

Dahil ang akala ko hanggang matalik na magkaibigan lang tayong dalawa

At hindi ito hihigit pa

Pero hindi sinasadya

Dahil nahuhulog na ang damdamin ko

Kahit dapat kong pigilan itong nararamdaman ko

Para sa iyo

Kahit ang tadhana sa akin ay kumukontra

Sapagkat ikaw ay may nakilala

Isang lalake na sa palagay ko

Ang siyang dahilan kung bakit masaya ang puso mo

Kahit nasasaktan na itong puso ko

Sa tuwing nakikita kong magkasama kayo

Ngunit pinipigilan ko

Ipaalam ang totoong damdamin ko

Para sa iyo

Dahil ayaw kong masira ang ating pagkakaibigan

Na matagal nating iningatan

Kapag iyong nalaman

Itong aking nararamdaman

Kaya kahit masakit pinakawalan kita

At ang dating pangarap ko na pakasalan kita

Hindi na mangyayari dahil may groom ka na

Ngunit hindi ako iyon dahil iba

Ang lalakeng sa iyo ay magpapaligaya

Dahil ako ay magiging best man na lang

Best man dahil bilang matalik mong kaibigan